KUNG hindi pa nangyari ang shootout sa Atimonan, Quezon noong Enero 6 na ikinamatay ng 13 tao, hindi mapagtutuunan ng pansin ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. General Alan Purisima ang ginagawang pagsa-sideline ng mga pulis bilang escort. Sabi ni Purisima sa isang radio interview, binabalaan niya ang mga pulis na ang ginagawang sideline ay pag-e-escort sa mga pribadong individual at maging ang pagtatayo ng security agency. Ang ganitong gawain ay labag sa panuntunan ng PNP. Bilang mga empleado ng gobyerno, bawal sa mga pulis ang mag-ari ng komÂpanya sapagkat magreresulta sa double compensation. Ang pag-aari halimbawa ng security agency ay magkakaroon ng conflict of interest. Ang isang pulis ay isa lamang ang pagsisilbihan at iyon ay ang taumbayan.
Sa nangyaring shootout, tatlong pulis ang napatay. Isa sa napatay ay partner umano ng gambling operator, na napatay din naman, sa isang security agency. At bukod doon ay nagsisilbi pa raw escort ang mga pulis na napatay. Itinanggi naman ng mga kaanak ng tatlong pulis na nagsisilbing escort ang mga ito.
Noon pa, marami nang pulis ang nagsa-sideline bilang escort. Ang mga may-ari ng pawnshop at money changer sa Metro Manila ay may mga pulis na nag-e-escort. Hindi lamang malinaw kung pagkatapos ng duty ng mga pulis saka nila ginagawa ang pag-escort. Ito ang dapat alamin ni Purisima. Kung nag-e-escort ang mga pulis habang naka-duty, nararapat nga silang sibakin.
Maraming pulis na nag-e-escort sa mga container van kapag lumalabas sa Bureau of Customs sa Port Area. Tuwing alas nuwebe ng gabi, makikita ang mga naka-unipormeng pulis at naka-motorsiklo na ini-eskortan ang mga truck. Marami sa kanila ay nasa madilim na bahagi ng circle sa Intramuros at nag-aabang sa mga truck na eeskortan.
Dapat masampolan ni Purisima ang mga pulis na nag-eeskort.