Luho ng mga mambabatas
NAGLAWAY ang publiko sa nabunyag na malaking bonus at iba pang benepisyo na ipinamudmod ni Senate President Juan Ponce Enrile noong kapaskuhan sa mga senador at may dagdag pa raw na P1 milyong pondo.
Napapanahon ang hamon ni Sen. Miriam Defensor Santiago na busisiin ng Commission on Audit ang allowances at iba pang pondo na kontrolado ng Senate president at iba pang pinuno ng ahensiya ng gobyerno.
Importante ito dahil pera ito ng taumbayan na dapat ingatan at tiyaking nasa tama ang paggastos. Sa ngayon ay normal na ang mga benepisyong tinatamasa ng mga senador at kongresista kaya nga maraming nais na kumandidato.
Tama si Santiago na maisapubliko rin ang mga gastusin ng Senado at House gayundin ang iba pang departamento para malaman ng taumbayan kung saan napupunta ang ibinabayad na buwis. Madalas pa namang mag-imbestiga ang mga senador sa mga anomalya kaya dapat maalis ang pagdududa sa paglustay ng pondo.
Sana maglabas ng detalye si Enrile upang malinis din siya sa anumang akusasyon sa umano’y maluhong paggastos ng pondo ng Senado. Hindi ito puwedeng balewalain dahil sangkot ang pondo ng bayan.
Sa totoo lang, maraming empleyado ng ibang departamento ang naiinggit sa mga empleyado ng Senado dahil sa napakaÂlaking cash gift (P100,000) na tinanggap ng mga ito. Kaya naman maraming empleyado ang pabor at kampi kay Enrile dahil sa pagiging galante nito sa mga empleyado sa pagbibigay ng bonus at galante rin mismo sa mga kapwa senador.
Sana ay huwag ituring ni Enrile na siya ay pinepersonal kung pagdudahan ang paglalabas niya ng pondo dahil ito ay pera ng taumbayan. Responsibilidad ng mga opisyal ng gobyerno na magpaliwanag at ibunyag ang detalye ng gastusin kung hinihingi ng pagkakataon.
- Latest