Ipagbawal din ang bodyguard sa pulitiko
ILANG pulitiko ang nagsusulong ng total gun ban para maiwasan daw ang mga pag-abuso sa paghawak ng baril kasunod ng pagkamatay ni Stephanie Nicole Ella at ang pag-aamok ni Ronald Bae kung saan pito ang napatay.
Magandang maipatupad ang gunless society kung kayang protektahan ng pulis ang mga mamamayan sa mga kriminal. Sa total gun ban, ang apektado lang dito ay mamamayan na nais lang maidepensa ang sarili kung sakaling atakehin ng mga kriminal. Unahin ng gobyerno ay ang pagsugpo sa loose firearms at mga kriminal. Resolbahin ang kakulangan ng pulis at armas at maging mabilis sa pagresponde sa mamamayan.
Pabor ang ilang politiko na ipatupad ang total gun ban dahil sila ay hindi apektado. Mayroon silang bodyguards. Para maging patas sa lahat ay ibawal din ang bodyguard para hindi dehado ang pangkaraniwang mamamayan na umaasa sa proteksiyon ng pulis.
Magaling ang ilang politiko na sumakay sa isyu lalo na kung hindi sila apektado gaya sa panukalang total gun ban. Pero kapag sila ay apektado na kahit pa anong batikos ang gawin ay hindi gumagalaw partikular ang anti-dynasty bill na naglalayong mapigilan ang paghawak sa posisyon sa gobyerno ng mga magkakamag-anak.
Sa nangyari sa Cavite, sa halip na silipin ang paghawak nang maraming baril na suspek na si Bae, tingnan ang mabagal na pagresponde ng mga pulis. Kung nakaresponde agad, baka kaunti lamang ang napatay.
Huwag padalus-dalos sa isyu ng total gun ban. Ang ilang pulitiko at grupo ay sumasakay lang para magpapogi sa publiko. Magiging mainit daw ang debate ng mga kongresista sa isyu ng gun control sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa susunod na linggo. Ewan ko lang kung maraming sisipot na kongresista dahil malapit na ang eleksiyon at abala na ang marami sa pangaÂngampanya. Kung magkaroon ng quorum ang mga kongresista, unahin ang FOI bill na naka-pending sa House.
- Latest