Ligaw na bala
Mukhang matapos ang isinagawang pagdiriwang sa Bagong Taon, mas higit na natuon ang pansin sa mga naging biktima ng indiscriminate firing.
Ito ay sa kabila na umabot na sa mahigit isang libo ang nasugatan dahil sa mga paputok, mas matinding trahedya naman ang sinapit ng mga naging biktima ng ligaw na bala, partikular ang naganap sa 7-anyos na si Stephanie Nicole Ella na tinamaan ng ligaw na bala sa ulo. Halos dalawang araw din itong na-comatose sa ospital at pagkatapos ng walong cardiac arrest ay tuluyan nang bumigay.
Sa Kalibo, Aklan isang ginang rin ang nasawi ng tamaan ng ligaw na bala sa dibdib noong kasagsagan din ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
Nauna nang nasawi ang 4-anyos na si Runjillo Nimer matapos tamaan ng bala ng sumpak, nasakote naman agad ang suspect na sinasabing lasing at may nakaaway na grupo ng kalalakihan.
Sa kabuuan, nakapagtala ang PNP ng 40 biktima ng ligaw na bala na pinakawalan sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ito talaga ang lubhang nakakatakot, kung marami -rami na sa ating mga kababayan ang masasabing natututo na at napipigilan nang gumamit ng paputok dahil sa panganib na dulot nito, mukhang mas matinding panganib ang dulot ng indiscriminate firing.
Ang paputok pwedeng iwasan, wag ka lang gumamit pwedeng ligtas ka na pwera lang kung gawa ng iba, ang ligaw na bala, hindi nakikita babagsak na lang sa kung saan at kung sino ang tatamaan hindi alam.
Matagal na proseso ang gagawing pag-eeksamin sa mga bala na narekober malapit sa bahay nila Nicole na pawang galing sa cal. 45 baril gaya ng tumama at pumasok sa ulo ng bata.
Pero umaasa ang marami, na mahuhuli o matutunton ang killer ni Nicole at mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng bata at ng iba pang naging biktima ng indiscriminate firing.
- Latest