^

Punto Mo

‘Pen-pal’

- Tony Calvento - Pang-masa

MABULAKLAK na mga salita at matatalinghagang pangungusap. Ito ang kanyang isinusulat upang ang babaeng kanyang nililigawan ay mapasagot.

Malayo man sa isa’t isa, hindi ito naging hadlang. Basta maipaabot lang ang iyong nararamdaman. Ito ay sa paraan ng pagpapalitan ng sulat o mas kilala sa tawag na ‘pen-pal’. Sa ganitong paraan nakuha ni Almario ‘Mer’ Isip, 56 na taong gulang ang pag-ibig ni Leticia ‘Lety’ Isip, 51 na taong gulang, kapwa taga-Pampanga. Mahilig si Lety makipag-penpal kung kani-kanino. Wala itong pinipili basta kung sino ang pwede ay kanyang susulatan. Mula sa kanyang kaibigan, nakuha niya ang pangalan ni ‘Mer’ at ang address nito sa Saudi kung saan siya nun nagtatrabaho. Buwan ng June 1986, kaagad siyang nagpadala ng liham kay Mer. Isang Overseas Filipino Worker (OFW) ito sa bansang Dammam, Saudi Arabia. Isa siyang ‘auto denter’. Pagkalipas ng isang buwan ay sumagot ito sa kanya at naging magkaibigan sila.  Sa pangatlong pagkakataong sumulat si Mer, laman ng sulat, ‘pwede ba akong manligaw sayo? Binata naman ako at dalaga ka…’

“Pumayag ako na maging kami sa kondisyong sa sulat lamang kami mag-boyfriend at hindi sa personal…” wika ni Lety. Sumang-ayon naman si Mer sa kasunduan. Walang humpay ang kanilang sulatan, lumipas ang isang taon ay bumalik ng Pilipinas si Mer. May 1987 nang magpunta ito sa bahay nila Lety.

Hindi na naitago pa ni Lety ang pagmamahal nito sa kanya kaya ang kanilang kasunduan ay nabalewala lang. Ilang linggo pa lang ay nagpasya ang dalawa na magpakasal. Hunyo ng taong iyon nangyari ang kasalan sa Mabalacat, Pampanga. Tumira silang mag-asawa sa bahay na naipundar ni Mer para sa kanyang mga magulang. Mahigit isang buwan pa lang silang kasal ay bumalik si Mer sa Saudi. Hindi maganda ang pakikitungo ng mga kapatid nito sa kanyang asawa kaya umuwi si Lety sa kanyang magulang sa Pampanga.

Dalawang taon ang kontrata ni Mer at buntis ang asawa nito nang umalis. Patuloy ang sulatan ng dalawa. Naipanganak ni Lety nang maayos ang kanilang unang anak kahit wala ang asawa. Taong 1988, bumalik sa Pinas ang kanyang mister at nangupahan sila. Pansamantalang hindi umalis si Mer ng bansa para sa kanyang pamilya. Lumipas ang tatlong taon ay bumalik ng Saudi si Mer. Habang si Lety ay nagpasya ring magtrabaho sa ibang bansa. Iniwan niya ang mga anak sa kapatid. Lumipad siya patungong Taiwan­ ng taon ding iyon bilang ‘factory worker’ sa isang electronic company.

Taong 1995 nang umuwi ang mag-asawa sa Pilipinas. Muling nabuo ang kanilang pamilya. Nanatili na lang sa bansa si Lety at nagnegosyo ng sari-sari store. Si Mer ay dalawang taong nawalan ng trabaho. Palaki na nang palaki ang kanilang dalawang anak kaya dumami rin ang kanilang gastos. Upang makatulong sa asawa, pumasok si Mer bilang ‘family driver’ sa kapatid ni Lety ng mahigit anim na taon. Pagpasok ng taong 2006 mu­ling umalis ng bansa si Mer. Hanggang sa nagtuluy-tuloy na ang kontrata nito. Taong 2009 nang makatanggap ng bagahe si Lety, laman nito ang mga gamit ng asawa.  Ayon kay Mer, uuwi na raw siya ng Pilipinas ngunit ilang araw makalipas tumawag ulit ito at sinabing nakahanap na siya ng trabaho.

Dumaan ang maraming buwan ngunit hindi ito nagpapadala. “Marami siyang palusot, paiba-iba ang mga sinasabi niya, tinatawagan ko hindi sinasagot, naghihinala na nga ko…” wika ni Lety. Disyembre ng taong 2011 tumawag si Mer. Tumakas daw siya sa kanyang amo, nahuli at nakulong kaya hindi nakapagpapadala. Hindi alam ni Lety kung paniniwalaan ang asawa.  Tumawag siya sa katrabaho nitong si Erwin para alamin ang totoo. Nalaman niyang ang asawa ay may iba nang kinakasama sa Jeddah, isa ring OFW. “Ate, kaya ko pinagtatakpan ang asawa mo kasi akala ko pinadadalhan ka niya, yun ang sabi niya sa akin…” pag-amin daw ni Erwin. Walang nagawa si Lety, kundi ang umiyak.

Gusto niyang malaman ang kanyang karapatan bilang ‘legal wife’ at malaman kung nasaan na ba talaga ang kanyang asawa. Giit niya, kung di lang rin magsusustento si Mer, mas mabuting mapauwi na lang ito ng Pinas. Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa “CALVENTO FILES” sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882 KHZ (tuwing 3:00-4:00) ang kwento ni Lety. Bilang tulong, kami ay nakipag-ugnayan sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) kay USEC Rafael Seguis. Ibinigay namin ang lahat ng impormasyon tungkol kay Mer para malaman ang ‘records’ nito mula nang umalis ng bansa.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi dahil nasa ibang bansa ka ay pwede mo nang kalimutan na lang ang pamilya mo at ipagpapalit mo sa iba. Responsibilidad mo Mer na sustentuhan ang iyong pamilya. Nagtatrabaho ka para sa kanila at hindi para sa sarili mo.

Dahil paso na ang iyong visa, ilegal ang iyong pananatili diyan. Kami mismo ang makikipag-ugnayan sa tanggapan ng DFA upang sabihing wala kang iqama (working visa) para ipatawag ka at ayusin mo ang problema sa iyong pamilya. Kung hindi, malamang made-deport ka at maba-block list sa bansang Saudi Arabia. (KINALAP NI CARLA CALWIT) Sa gustong dumulog para sa inyong problemang legal, ang aming numero 09213263166 / 09198972854/ 09213784392. Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038.  Maari rin kayong pumunta sa 5th floor City State Centre bldg. 709 Shaw Blvd., Pasig City. Bukas kami mula Lunes-Biyernes.

 

ASAWA

KANYANG

LETY

LSQUO

MER

NANG

PAMPANGA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with