Editoryal - May bukas pa kahit binagyo
SA evacuation centers nagselebreyt ng Pasko ang mga binagyo sa Davao Oriental at Compostela Valley at doon din nila sinalubong ang Bagong Taon. Walang paputok at walang pailaw. Tahimik na pagsalubong sa Bagong Taon. Pinagsaluhan nila ang mga pagkaing ibinigay ng pamahalaan at mga pribadong grupo. Kung hanggang kailan sila sa evacuation centers, hindi nila masabi. Hindi nila alam kung maipagagawa ang kanilang bahay na winasak ng bagyong Pablo. Umabot sa mahigit 1,000 tao ang namatay sa pananalasa ni Pablo noong Disyembre 4. Ito umano ang pinaka-mapanirang bagyo na dumaan sa Mindanao.
Sa kabila na hindi alam ng evacuees kung hanggang kailan sila mananatili sa pansamantalang tirahan, malaki naman ang pag-asa nila na muling makababangon. Hindi nawawala sa kanila ang pag-asam na ang mga nawala sa kanila ay maibabalik. Ang bahay na nawasak ay muli nilang maitatayo. Ang mga inanod na kasangkapan, damit at alagang hayop na namatay ay mapapalitan. Malaki ang kanilang paniwala na muling sisikat ang araw at makapagsisimula silang muli.
Sa ginawang surbey ng Social Weather Stations (SWS), lumabas na 92 percent ng mga Pinoy ay haharapin nang may mataas na pag-asa ang Bagong Taon. Sa halip na harapin nang may pangamba, punumpuno sila ng pag-asa para sa 2013. Malaki ang kanilang paniwala na magkakaroon sila nang magandang buhay sa taong ito. Makakamtan na ang mga magagandang pagbabago sa kanilang buhay.
Taun-taon, nagsasagawa ng survey ang SWS at lagi nang mataas ang pag-asam ng mga Pinoy sa papasok na taon. Nagpapakita lamang na positibo ang mga Pinoy at hindi kayang gibain ng mga unos at pagsubok sa buhay. Laging may pag-asang nakikita sa kabila nang madilim na ulap.
Masaganang Bagong Taon sa lahat!
- Latest