Ang Propesora at ang Tagaluto
MAY isang matalinong propesora na kinailangang pumunta sa pinakasulok na baryo sa Mindanao dahil sa isang mahalagang research na ginagawa niya. Dinala niya sa kanyang paglalakbay ang kanyang cook na magsisilbing all around katulong sa buong panahon ng kanyang paglalakbay.
Ang bahay na tinuluyan nila ay napakalayo sa kabayanan kaya kailangang bilhin nila ang lahat ng kanilang kailangan sa loob ng isang linggo.
Isang araw inutusan ng propesora ang kanyang cook na kunin sa kanyang sasakyan ang librong kailangan niya. Sinabi ng propesora ang pangalan ng libro. Agad lumabas ng bahay ang cook upang kunin ang librong nasa sasakyan. Pagkuwa’y bumalik ang cook bitbit ang isang libro. Sinabi ng propesora na hindi iyon ang librong ipinakukuha niya. To make the story short, nakalimang pabalik-balik ang cook pero laging mali ang librong dinadala niya. Hanggang umamin ang cook na hindi siya marunong bumasa at sumulat kaya hindi niya alam ang librong tinutukoy ng propesora.
“Hay, naku, alam mo bang kalahati ng buhay ang nawawala sa mga taong mangmang?”
Medyo na-hurt ang matandang cook sa tinuran ng kanyang amo kaya hindi siya nagluto ng hapunan. Gabi na nang matuklasan ng propesora na hindi nagluto ang kanyang cook. Galit na galit ito dahil halos maduling na siya sa sobrang gutom. Pinuntahan ng propesora ang katulong sa kanyang kuwarto at pinagalitan. Padabog na sinagot ng cook ang kanyang amo.
“Bakit hindi ikaw ang magluto ng pagkain mo?”
“Are you crazy? Hindi ako marunong magluto!”
“Hay, naku, alam mo bang buong buhay ang nawawala sa mga taong mangmang sa pagluluto.”
- Latest