Editoryal - Eksperimento ng MMDA
MAY bago na namang eksperimento ang Metro Manila Development Authority (MMDA). Kamakalawa, sinimulan na ang bus segregation scheme sa EDSA. May kanya-kanya nang designated bus station. Lahat nang bus ay may marking A, B at C. Lahat nang A ay may nakalaang station. Ang B ay ganoon din. Ang C ay para sa lahat o puwedeng magsakay at magbaba.
Ayon kay MMDA chairman Francis Tolentino, hindi na mag-aagawan ang mga bus sapagkat may sari-sarili na silang station. Dapat lang daw kabisaduhin ng mga pasahero ang bus na kanilang sasakyan para hindi mapalayo sa kanilang babaan. Dapat daw malaman ng pasahero kung ano ang marking ng bus na sinakyan. Sa simula lang daw ito nakakalito pero kapag araw-araw nang sumasakay at bumaba sa may marking na bus, madali nang makakabisado.
Ang isang maganda sa eksperimentong ito ng MMDA, ang mga colorum na bus ay hindi papapasukin sa mga may marking na station. Lahat lamang ng mga bus na legal ang prankisa ang maaaring magsakay at magbaba sa marking station. Madali umanong makikilala ang mga bus na colorum sapagkat wala silang marking.
Maganda ang naisip ng MMDA na bus segregation scheme. Maaaring ito na ang solusyon sa grabeng trapik sa Metro Manila particular sa
EDSA. Mga bus ang pangunahing dahilan kaya may trapik sapagkat baba rito, baba roon, sakay dito, sakay doon ang ginagawa. Walang pakialam kung magkabuhul-buhol ang trapik.
Kapag nagtagumpay ang MMDA sa eksperimentong ito, pupurihin si Tolentino. Hahangaan siya. Hindi makakalimutan ang kanyang pangalan sa MMDA. Dapat malutas niya ang problemang trapik sa EDSA.
- Latest