‘Nilunok ko nang lahat’
MAY KASABIHAN na para kang ‘kumuha ng bato’ at ipinukpok sa ulo mo’.
Ganito ang pakiramdam ni Irene L. Mateo—58 na taong gulang ng Sampaloc, Manila.
Ang batong nahanap niya ay ang kanyang asawa na si dating PO2 Rolando Mateo ng Philippine Navy, at 58 na taong gulang, sa pintuan ng kanilang tahanan upang durugin na siya ng tuluyan. Hindi ito ang unang pagkakataon na ginawan siya ng panlilinlang ng kanyang asawa.
Hindi na tuloy tukoy ni Irene kung tao pa ba ang turing sa kanya ni Rolando, dahil sa kabila ng kanyang pagiging ulirang asawa iba ang isinusukli sa kanya nito.
Mula nung ikinasal sila nung 1983 naging tutok na sa pagiging may-bahay itong si Irene. Desisyon ni Rolando na ibuhos niya ang oras sa pag-aasikaso sa mga anak habang siya ay nakadestino sa malayo.
Ganito ang ayos ng kanilang pagsasama pero pinilit tanggapin ito ni Irene para sa mga anak. Tatlong dekadang tiniis ni Irene ang distansya.
Hanggang nung 2005, nakiusap si Rolando na ipaalaga sa kanya ang inang may sakit sa puso at pumayag siya. Buong panahon ng pagkakasakit ng kanyang biyenan, nakadestino sa Zambales si Rolando.
Disyembre 2005, lumubha ang lagay ng biyenan niya at kinailangang gamitin ang benepisyo mula sa Philhealth ni Rolando para sa ospital. Nung makuha na ni Irene ang kopya “Data Record”, takang-taka siya kung bakit nadagdagan ng pangalan ang mga “dependent” ni Rolando. Pangalan ng isang batang babae na hindi niya anak ang nakalagay dito.
“Anak yun ng pinsan ko sa Zambales,” katwiran ni Rolando. Tatlong taong kinimkim ni Irene ang kanyang hinala ngunit binabagabag siya nito kaiisip. Nung nagkalakas ng loob, pumunta siya sa headquartes ng Philippine Navy sa Zambales para malinawan.
Habang bumibyahe hindi mapakali si Irene sa kinauupuan sa bus. Hangga’t maaari, gusto na niyang makarating dito. Namumuo ang ulap ng poot sa kanyang isipan na hindi niya malabanan. Kahit pakiramdam niyang nagbubudbod siya ng asin sa sariling sugat, naghanda na siya sa matutuklasan.
Nag-antay si Irene sa opisina ng ‘headquarters’ hanggang pukawin ang atensyon niya pagkatapos ng dalawang katok sa pinto. Paglingon niya, sa unang pagkakataon ay nagkaroon na ng mukha ang babaeng pumapalit sa kanya kapag malayo sa kanya ang asawa.
“Setyembre ka pala nanganak, mga ganong buwan kasalukuyan akong puyat na puyat sa pagbabantay at pag-aalaga sa biyenan ko,” sabi ni Irene habang akala mo naturukan ng pampamanhid.
Walang maisagot si Rosalina Nogeras—40 na taong gulang, ang kinakasama umano ni Rolando. Mistulang maamong korderong nakayuko naman si Rolando sa harapan ng dalawa. Pinapili ni Irene ang mister at pinili naman ni Rolando na makipagbalikan sa kanya. Inayos din nila ang tungkol sa sustento ng bata.
Nakahinga na ng maluwag si Irene dahil sa naging desisyon ni Rolando. Umayos daw ang lagay mula noon at doon sa Zambales ay nagsama na silang muli sa isang paupahang bahay.
Pagkatapos ng isang taon, nung Hunyo 9, 2009 tinanong ni Irene kung paano pinadadala ni Rolando ang sustento nito sa anak niya kay Rosalina. Pinapadala daw niya sa isang “kaibigan” sa Antipolo kung saan nandoon na sina Rosalina at ang bata.
Hiniling ni Irene na ipadala na lang sa pamamagitan ng M. Luillier ang suporta, ngunit ayaw pumayag ni Rolando.
“Wag mo akong lokohin! Pinupuntahan mo pa rin ang kabit mo!,” galit na sinabi ni Irene. “Wala akong ginagawa! Wala ka bang tiwala sa’kin!?,” ani Rolando.
“Wala! Nagpapatawa ka ba!?,” nanggagalaiting sinabi ni Irene. Biglang sinampal ni Rolando si Irene sa kaliwang pisngi. Gigil niyang hinawakan ang magkabilang braso nito at tinulak-tulak hanggang sa mapaupo sa sahig. Hindi makalaban si Irene kay Rolando ngunit nakabwelo siya ng tayo at sabay tumakbo palabas ng kanilang inuupahang bahay.
Naghabulan sa kalsada ang mag-asawa, at nung maabutan siya ni Rolando, hinablot umano ang kanyang leeg at kinaladkad pabalik ng kanilang bahay. Hindi pa umano nakuntento si Rolando dahil pagdating sa bahay, pinaliguan siya ng sunod-sunod na suntok at sampal sa mukha at sa dibdib. Nagpumilit si Irene makalabas, at swerte siyang makasalubong ng tricyle na agad siyang sinakay.
Dumeretso siya sa Office of the Provost Marshall at nagsampa ng reklamo. Simula nito, hindi na siya bumalik kay Rolando at tumuloy na ng luwas pauwing Sampaloc, Maynila.
Pagkalipas ng dalawang taon, kumakatok sa kanilang tahanan si Rolando, akay ang anim na taong gulang na anak kay Rosalina. Pakiusap ni Rolando na alagaan at paaralin ni Irene ang bata dahil natanggal na siya sa serbisyo.
Manghang-mangha sa kakapalan ng mukha ni Rolando si Irene, at bunsod ng pangungumbinsi ng kanyang mga anak, tinanggap niya ang bata. Hiling ni Irene na matapyasan ang makapal na mukha ni Rolando sa pamamagitan ng pagsasampa ng mga kasong kriminal.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang dinanas na ito ni Irene.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, martir na lumalabas si Irene dahil sa kabila ng pambobolang ginawa sa kanya ay nakuha pa niyang kalingain at ituring na parang anak ang anak ni Rolando sa ibang babae. Hindi ko alam kung anong meron itong si Irene at parang sobra ang pagkalasing sa pag-ibig sa lalaking hindi man lang siya nirerespeto. Mabuti na lamang at natauhan na si Irene sa pangalawang batong ipinukpok sa kanyang ulo ni Rolando at napagdesisyunan na niyang magsampa ng kaso laban sa mga sinapit niya sa kanya. Kay Rolando naman hindi lamang mali ang gamitin mo ang kamao mo sa pisikal at emosyonal na pananakit sa iyong asawa, ito pa ay labag sa batas at may katapat na kaparusanan sa ating ‘Penal Code’. Naturingan ka pa namang tagapagtanggol ng bayan pero sa ganyang paraan pala ikaw ang dapat tugisin! Hindi nasusukat ang iyong pagkalalake sa pananakit mo sa babae at pambababae. Bilang aksyon, tinulungan namin si Irene na magsampa ng kasong Violation of RA 9262 laban kay Rolando at pati na rin ng reklamong BIGAMY, sa tulong ng Public Attorney’s Office. (KINALAP NI PAULINE F. VENTURA)
Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393. Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari rin kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
- Latest