Weh, Totoo?
(Mga koleksiyon ng kapakipakinabang na tips; bagong kaalaman mula sa scientific research, at mga kung anu-anong topic na magpapaano ng inyong ano...)
Sila rin, nagkakamay kapag kumakain
PARA sa ibang lahi, “barbaric” daw ang paggamit ng kamay sa pagkain. Bukod sa ating mga Pinoy, may iba pang lahi na nagkakamay kapag kumakain. Magkaganoon pa man, may table manners pa rin sinusunod ang mga bansang India, Africa at Middle East kapag “nagkakamay”. Narito ang alituntuning dapat sundin:
India
Sa India, hindi naman lahat ng pagkain ay kinakamay. Kapag may sabaw ang pagkain o may isinisilbing kanin, ito ay ginagamitan ng kutsara. Ang tinidor at kutsilyo ay sa kusina lang ginagamit. O, kaya ang tinidor ay ginagamit sa serving plate para pandampot ng pagkain. Kanang kamay lang ang ginagamit. May paniwala sila na ang kaliwang kamay ay “marumi”. Kabastusan sa kanila ang paggamit ng kaliwang kamay. Ang kadalasang kinakamay nila ay iyong may curry or gravy na pinapartneran ng flatbread na kung tawagin nila ay naan, roti, chapatti.
Hinuhugasan munang mabuti ang kamay bago dumulog sa hapag kainan. Ang flatbread ay kukurutin ng dulo ng mga daliri, tapos isasawsaw sa curry at saka ididiretso sa bibig. Hindi dapat mamantsahan ng ulam ang buong kamay. Ang plato na may lamang curry ay hindi dapat hawakan lalo na ng kaliwang kamay. Ang ulo ay itinutungo kapag isinusubo ang pagkain upang maiwasan ang pagtulo ng kinakain mula sa bibig. Iwasang dumikit ang mga daliri sa bibig habang isinusubo ang pagkain. Upang makaseguro na walang malalaglag na pagkain mula sa bibig, nililiitan nila ang subo. Kabastusan din na i-share ang iyong flatbread. Kaya dapat mong siguraduhin na mauubos ang kinuhang flatbread.
Okey lang umalis sa mesa para maghugas ng kamay pagkatapos kumain ngunit kailangang magbalik kung hindi pa tapos kumain ang lahat. (Itutuloy)
- Latest