^

Punto Mo

‘Permanent leave?’

- Tony Calvento - Pang-masa

NAPUDPOD na ang mga daliri kaka-dial sa telepono. Uminit na ang tenga sa kakahintay kung may sasagot.  Nauubos na ang pasensya sa mga dahilang paulit ulit lamang. 

Ganito ang pakiramdam ni Maychel Labay, 32 taong gulang ng Signal Village Taguig City kaya nagsadya na siya sa aming tanggapan. Inirereklamo niya ang Federal Multi-Purpose Co­operative (FMPC). Nais niyang mabawi ang kanyang pera. Gaya ng marami sa atin nangangarap din si Maychel na magkaroon ng sariling bahay at lupa. Ito ang naging inspirasyon niya upang magsumikap na magtrabaho. Galing sa mahirap na pamilya sa Marinduque si Maychel. Lumuwas siya ng Maynila noong taong 1999. Madami na siyang napasukang trabaho. Nag ‘factory worker’, taga-gawa ng basket at naging ‘dishwasher’ sa isang restaurant. Madiskarte si Maychel. Nagmamasid siya kung paano magluto habang ang kanyang mga kamay ay abala sa paghuhugas ng mga pinggan, kutsara at tinidor. Nagustuhan ng ‘Chef’ ang trabaho ni Maychel dahil masipag daw ito at mabilis kung kumilos.  Pinatulong siya nito sa kusina. Makalipas ang tatlong buwan ay napromote si Maychel at naging kusinero. Taong 2003 lumipat siya ng trabaho at naging regular ng limang taon. Marso 2008, nakilala niya sa ‘boarding house’ na kanyang tinutuluyan si Mark Cordero. Niyaya siya nito na mag miyembro sa Federal Cooperative. “Pre! Subukan mong sumali sa kooperatiba sa Antipolo para makakuha ka ng lupa, ahente dun yung tita ko”, sabi daw nito. Sa halagang Php5,000 lang na ‘down-payment’ pwede na siyang magpareserba ng 50 sqm na lupa.

Ang kabuuang halaga ay Php50,000 lang. Nagpunta ang tita ni Mark sa boarding house at niyaya si Maychel para tignan ang lugar sa Cupang, Antipolo. Pagdating nila doon walang kabahay bahay. Isa ito umanong malawak na bulubunduking lugar. Gayunpaman, na-engganyo pa si Maychel ng sabihin na isang taon lang ang kanyang hihintayin ay developed na daw ang lugar.  Ika-17 ng Marso 2008, nakuha ni Maychel ang Certificate of Lot Reservation niya. Nagbayad siya ng Php650 membership fee at nagbigay ng dalawang ID at birth certificate. Binayaran na rin niya ang Php5,000 down payment. Halagang Php750 kada buwan lang ang babayaran niya. Dahil maliit lang ang hala­gang ito para kay Maychel ay nag-‘advance payment’ siya. Uma­bot ng halagang 11,750 ang hulog niya sa loob ng isang taon. Taong 2009 pinasyalan ni Maychel ang lugar sa Antipolo. Isang taon na ang lumipas kahit isang kahoy ay walang naitayo. Hindi raw natupad ang pangako ng kooperatiba. Puro mga nakatiwangwang na lupa lang ang nakita ni Maychel. Nagtanong siya sa kooperatiba. Ang sagot daw sa kanya ng kausap niya, “Alam mo naman Sir na kooperatiba lang ito, kailangan buuin ang lahat ng bayad pero dahil hindi nag­huhulog ang iba lahat nadadamay at na-delay ang paggawa”.

Mula nun nawalan na ng gana si Maychel. Mas nadagdagan pa ito nang mag-resign siya noong Abril 2010 sa trabaho. Lalong hindi na siya nakapaghulog. Ika-19 ng Hulyo 2010, tuluyan nang umayaw si Maychel. Nangako daw si Judy Ballesteros, isang ‘staff’ na ibabalik daw ang pera. Hiningi kay Maychel ang lahat ng ‘original documents’. Yun daw kasi ang kailangan para maproseso ang pag-refund ng pera. Pinapirma si Maychel­ ng ‘waiver of rights’ kung saan binibigyan niya ng karapatan ang FMPC na maibenta ang kanyang lote sa iba. Maghintay lang daw siya ng ‘two years’. Dalawang taon ang nakakalipas, wala pa ring pera na naibabalik. Ang dami daw dahilan sa kanya ng kooperatibang ito tulad ng may sakit daw si Judy. Wala daw may ibang may hawak ng ‘refund’ kundi ito lamang. Kapag tumatawag siya madalas daw itong wala. Pinapaasa lang daw siya ng mga ito. Wala daw makapagbigay sa kanya ng eksaktong petsa kung kailan maibabalik ang pera. Ika- 14 ng Nobyembre 2012, ang huli niyang tawag sa Federal. Maraming beses na siyang nagpunta sa opisina ng mga ito. Gusto niyang mabawi ang pera na nagkakahalaga ng Php11,750 kaya nagsadya na siya sa amin. “Hanggang ngayon Sir ayaw pa rin akong bayaran kaya sana ay matulungan niyo ako. Hindi naman sana aabot sa ganito kung maayos nila akong hinaharap at hindi lang puro paasa”, sabi ni Maychel.  

Itinampok namin ito sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para sa Lahat” sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00–4:00 ng hapon).

PARA NAMAN malaman namin kung totoo nga ang reklamo ni Maychel kami mismo ay tumawag sa kooperatibang kanyang isinusumbong sa amin.. ang (FMPC) Ang resulta? Puro din dahilan at pasahan ang aming inabot. Hinanap namin si Judy Ballesteros ngunit gaya pa rin ng dati wala daw ito. Nakausap namin ang isang “Angel Toledo”, nagpakilalang ‘accounting clerk’ ng Federal Cooperative. Ayon sa kanya meron daw  ‘family problem’ si Judy kaya ito naka ‘leave’.

Palagi naming tinatawagan ang FMPC. Kung sino-sino na ang nakausap namin ngunit wala daw silang alam dahil si Judy lang daw ang may hawak ng dokumento.  

Ang huli naming nakausap ay si Ms. Beth Ronquillo ng ‘collection department’ at sinabing hindi niya alam kung kailan babalik si Judy.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nagtiwala itong tao na inyong ibabalik ang kanyang pera. May mga bagay na hindi na kailangan ng kasulatan at verbal na pagkakasunduan lamang ay sapat na (buyer in good faith). Meron naman siyang mga dokumentong magpapatibay na nagkaroon nga ng transaksyon sa pagitan niya at ng FMPC gaya ng papirmahin siya ng ‘waiver of rights’. Ininspeksyon ni Maychel ang lugar at hanggang ngayon ay wala pa daw development umano na nangyayari sa nasabing proyekto na kaugnay sa kanyang lote. Ngayong Disyembre, pangatlong ‘noche buena’ na ang nakaraaan at hindi pa rin na babalik ang perang kanyang naibayad sa FMPC. Ang taong tinuturo nila hanggang ngayon ay naka leave pa din. Ano bang klase ng leave yan? Permanent leave? Si Judy lang daw ang nakakaalam ng lahat ng records at transaksyon ng refund sa FMPC.

Kayo dyan sa FMPC kung pinapangalagaan ninyo ang inyong imahe bilang isang lehitimong kooperatiba at kumukuha kayo ng mga kliyente at nangongolekta ng pera gasino na lamang ba na ayusin niyo ang “maliit na halaga” na dapat maibigay kay Maychel.  Maliit na halaga para kay Maychel pero para sa pamilya niya ang perang ito’y isang malahiganteng tulong sa darating na pasko at ‘birthday’ ng anak niya. (KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa mga gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166, 09213784392 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

vuukle comment

DAW

FEDERAL COOPERATIVE

LANG

LSQUO

MAYCHEL

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with