‘Kolorum na, tinted pa!’
PROTEKSIYON sa araw para sa mga taong nakasakay ang mga tinted na bintana sa mga sasakyan. Tanging mga pribadong sasakyan lang ang pinapahintulutang magkaroon ng mga tinted na salamin sa kanilang mga sasakyan.
Dahil sa sunud-sunod na kaso ng mga holdapan at nakawan, ipinagbawal sa mga pampasaherong sasakyan partikular na sa mga bus, FX, at taxi ang pagkakaroon ng mga tinted o yung mga bintanang may madilim na kulay. Mahirap kasi madetermina mula sa labas ng sasakyan ang nagaganap sa loob ng sasakyan.
Nagreklamo sa BITAG ang isa sa aming mga tagasubaybay tungkol sa nasakyang FX taxi, pauwi ng Quiapo, Manila.
Reklamo ni Joy, pauwi na siya mula sa trabaho nang gabihin ng uwi kaya’t napilitan na lamang na sumakay ng kolorum na taxi dahil sa hirap ng pagsakay.
Maraming iba pang kasamang pasahero, kaya inakala ni Joy na ligtas siya sa nasakyang FX. Dahil kolorum at maituturing na pribado, hindi na niya napansin na tinted pala ang ang nasakyan.
Isa sa mga lalaking pasahero ang nagdeklara ng hold-up pagdating sa España St.
Hindi naman nahalata ng mga tao sa labas ng sasakyan na may nagaganap nang holdapan dahil tinted ang mga salamin nito.
Matapos ang komosyon at pagtakas ng suspek, hindi rin magawang tulungan ng drayber ng FX taxi ang mga nahold-up na pasahero dahil sa takot na siya naman ang mahuli sa pagbibiyahe ng kolorum na sasakyan.
Babala ng BITAG sa mga tagasubaybay na mag-ingat sa mga pampasaherong sasakyan, kolorum man o hindi na tinted ang mga salamin ng bintana. Dahil hindi lehitimo at rehistrado, walang kasiguraduhan kung pananagutan ng drayber ang anumang aksidente o krimen na magaganap habang nakasakay ka sa kanyang sasakyan.
- Latest