‘Mapang-abusong fiscal’
MARAMI sa ating kababayan ang nalilito at ang ilan naman, sadyang walang kaalam-alam sa mga teknikalidad kapag pinag-uusapan na ang pinapairal na batas sa ating bansa.
Lumapit sa tanggapan ng BITAG ang isang ginang upang magsumbong sa naranasang pananamantala at pangha-harass ng isang fiscal.
Reklamo ni Vergie sa BITAG, ipinaaresto at ipinakulong siya at ang kanyang ama ng fiscal mula sa San Jose Del Monte Bulacan.
Subalit ang kanilang ipinagtataka, holiday o mismong araw ng undas nang arestuhin sila ng mga napag-utusang pulis.
Pagdating sa presinto laking gulat ng mag-ama nang malamang ang nagrereklamo pa pala ay ang babaing tumatakbo sa kanila dahil sa kanyang malaking pagkakautang.
Ang siste, tila nabaliktad ang sitwasyon dahil imbis na humingi ng tawad, sila pa ang nakuhang ipakulong ng pinautang na ginang.
Naihanda na rin ang kasong isasampa sa kanila sa utos ng fiscal kaya naman walang kalaban-laban ang mag-amang naipakulong sa loob ng anim na araw.
Kilos prontong isinangguni ng BITAG sa aming legal counsel na si Atty. Freidrick Lu ang kaso ni Vergie at ng kanyang ama.
Ayon mismo kay Atty. Lu, malinaw na lumabag ang fiscal sa batas at ginamit ang kanyang kakayahan upang makapanggipit ng kapwa.
Ang pagpapaaresto at pagpapakulong sa kanilang mag-ama ng walang sapat na imbestigasyon lalo na’t itinuturing na national holiday ang kanilang pagkakapiit ay mahigpit na ipinagbabawal sa ating batas.
Dahil dito, pinayuhan ni Atty. Lu ang biktima na patunayan at magsampa ng kaukulang kaso sa mapang-abusong fiscal sa opisina ng Ombudsman.
Kaya naman paalala ng BITAG sa lahat ng aming mga tagasubaybay na huwag matakot at alamin ang inyong mga karapatan.
Sa oras na makaengkwentro ng mga tulad nitong mapang-abusong fiscal o iba pang mapagsamantalang opisyal ng pamahalaan, agad na isumbong sila dahil kung mananatiling tahimik, para mo na ring kinunsinti ang kanilang kalokohan.
- Latest
- Trending