Nakolektang ipot ng kalapati sa bubong ng simbahan sa Sweden, 160 bags!
PROBLEMADO ang mga pari sa isang parokya sa Kyrka, Gavle, Sweden kung paano nila mapaaalis ang mga kalapati na nasa bubong ng simbahan. Naging paborito ng mga kalapati na mamalagi sa bubong ng simbahan sa loob ng 30 taon.
Ayon sa isang pari, 1980s pa nang mamalagi ang mga kalapati sa Heliga Trefaldighets (Holy Trinity). At parami pa nang parami ang mga kalapati sapagkat doon na nangingitlog at nagkakaroon ng mga inakay.
Ayon pa sa pari, nagkaroon sila ng general cleaning sa simbahan at pati ang bubong ay kanilang nilinis. Ganoon na lamang ang kanilang pagkagulat sapagkat sa unang round ng paglilinis sa bubong, nakakolekta sila ng 80 bags ng ipot ng kalapati. Masyadong marami ang mga ipot na naipon sa bubong. Umano’y 30 cm ang kapal.
Sa ikalawang round ng paglilinis ay nakakolekta muli ng 80 bags ng ipot.
Hindi malaman ng mga pari kung ano ang gagawin para hindi na manirahan sa bubong ng simbahan ang mga kalapati. Delikadong bumagsak ang bubong sa dami ng ipot.
- Latest