Magpapabilis sa Maguindanao massacre
DUMARAMI ngayon ang mga nagpapanakula na dapat ay unahin na muna ang mga tinaguriang utak ng Maguindanao massacre kaysa ipilit na papanagutin lahat ng 200 kataong suspek.
Pag-isipan itong mabuti ng prosecutors na unahin muna ang mga pangunahing akusado sa Maguindanao massacre tulad nina dating ARMM governor Zaldy Ampatuan, dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. at dating Mayor Andal Ampatuan Jr. at ilan pang pangunahing suspek. Siguro, 10 katao ang unahing litisin upang mabilis na maibaba ang hatol. Kung ipipilit ng prosekusyon na lahat ay makasuhan (umaabot sa 200 katao ang suspects) maaaring tumagal din ang paglilitis nang mahigit 200 taon.
Habang tumatagal, baka mauwi sa wala ang kaso at unti-unting mawala ang mga testigo dahil sa posibilidad na ito ay takutin o aregluhin ng mga akusado. Sa 200 suspects, karamihan dito ay mga alalay ng pamilya Ampatuan. Sana ay ikonsidera ito ng prosecutors at kanilang hilingin sa Quezon City Trial Court Judge Jocelyn Solis-Reyes na mag-concentrate na muna sa mga pangunahing akusado.
Tatlong taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang massacre kung saan 58 ang napatay (30 rito ay mga mamamahayag. Kung hindi magiging mabilis ang paglilitis ay baka pagtawanan tayo ng ibang bansa. Pinatatagal natin ang paggawad ng katarungan sa mga biktima ng massacre.
Umaasa ako na bago matapos ang termino ni P-Noy ay madedesisyunan na ang karumal-dumal na krimen at mapaparusahan ang mga akusado. Magbibigay ito ng senyales sa lahat na kahit pinaka-maimpluwensiyang pamilya bastat lumabag sa batas ay pinapatawan ng parusa.
Ang mga abogado ng depensa ay hindi masisisi sa pagpapaantala sa kaso dahil trabaho nila ito sa kanilang kliyente. Ang kailangan ay magandang estratehiya ng prosekusyon upang matapos ang kaso. Dito sa ating bansa mas marami pang karapatan ang mga akusado kaysa sa mga biktima. Isa ito sa nagpapabagal sa kaso at sangkaterbang mosyon na hindi naman puwedeng balewalain ng korte dahil karapatan ito ng bawat akusado.
Sana matapos na ang kaso sa lower court sa susunod na taon at sa 2014 ay madesisyunan na ng Korte Suprema upang maigawad na ang parusa sa mga gumawa ng karumal-dumal na krimen.
- Latest