^

Punto Mo

‘Si putol na malikot’

- Tony Calvento - Pang-masa

SAMPUNG mga daliri, putol ang isa… isang ‘nursery rhyme’ na pinalitan ang titik para maging akma sa kuwentong ito.         

“Mina! Si Tope… ang daliri ni Tope, putol!” pasigaw na salita ng kapatid sa ‘cell phone’.  Ang naputulan si Christopher Trajano alyas “Tope”, 34 anyos. Mister ni Romina “Mina” Trajano, 34 taong gulang din. Ang pagtatrabaho ng puyat ang alam na dahilan ni Mina kung bakit pati ang daliri ng asawa nasama sa makina ng PVC board. Isang dekada na ang nakakaraan mula ng magtrabaho bilang ‘factory worker’ si Mina sa Taiwan.  Kada tatlong taon ang kontrata ni Mina. Nobyembre 2005, nang bumalik sa Tao Yuan, Taiwan para magtrabaho sa pagawaan ng PVC Board. Nakilala niya dun si Tope. Si Tope ang nag-train kay Mina sa pagsusuri ng mga board. Sa pabrikang ito nabuo ang kanilang relasyon. Kahit tapos na ang ‘training period’ ni Mina, nakaagapay pa rin ang lalake sa kanyang trabaho. “Hinihintay niya ako sa duty ko kahit out na siya. Pang-umaga ako. Night shift naman si Tope,” kuwento ni Mina.

Nagsimulang mag-date ang dalawang Pinoy workers. Sa mga parke ng Taiwan sumibol ang kanilang relasyon, Ika-6 ng Hunyo 2006 sila naging. Isang taon makalipas, Abril 2007, matapos ang kontrata ni Tope kinailangan niyang umuwi ng Pinas. Nobyembre ng parehong taon si Mina naman ang umuwi. Sampung pilas lang ng kalendaryo ang natanggal, bago bumalik ng Taiwan si Tope, ikinasal agad sila. Naganap ang seremonya sa partido ni Mina sa Pampanga buwan ng Pebrero 2008. Dalawang buwan makalipas balik Taiwan ang mister. Iniwan niyang buntis si Mina. Dumating ang kabuwanan niya’t nanganak siya ng wala si Tope. Abril 2011 bumalik ang mister subalit umalis din limang buwan makalipas. Dahil sa pananabik, walang naging ‘sing init ang mga gabing magkatabi sila. Halos mapaso si Mina sa nagbabagang katawan ni Tope, buntis ulit siya ng iwan nito. “Kahit magkalayo kami… Lagi naman niya kaming tinatawagang mag-iina. Sanay na kong manganak ng wala siya,” kuwento ni Mina.

Isang linggo makalipas manganak sa kanilang bunso. Isang masamang balita ang nakara­ting sa misis. Tinawagan siya ng kapatid na si “Ricky”, katrabaho rin ni Tope sa Taiwan. Ayon kay Ricky, naipit ang gloves na suot ni Tope sa makina kaya’t naputol ito. Tanong ng misis, “Papaanong naputol?” Maikli ang naging sagot ng kapatid, “Puyat kasi…” Nagtaka si Mina kung bakit mapupuyat ang asawa subalit hindi na sumagot pa ang kapatid. Ipinasa ni Mina ang telepono sa ina. Pag-amin ni Ricky sa mga magulang,  nang tanungin niya ang mga kasamahan, sagot daw sa kanya, “Puyat yan si Tope… kasama babae niya kagabi!” Nilihim kay Mina ng pamilya ang pambabae ng mister. Kapapanganak lang kasi niya nun at inisip nilang makakaapekto pati sa bata kung sasabihin nilang nagloloko si Tope sa Taiwan. Palaisipan naman kay Mina ang disgrasyang sinapit nito kaya’t siya na mismo ang nagtanong, “Papaano ba talaga naputol ang daliri mo?” Paliwanag ng mister, “Pinawisan kasi…pasmado.” Pinaniwalaan ni Mina ang kuwentong ito. Agosto 2012, napansin niyang ‘di na siya tinatawagan ni Tope. Pati Php8,000 na sustento nito buwan-buwan naputol din.

“Kinutuban na ko…parang alam ko na ang nangyayari,” anya ni Mina.

Ramdam ni Mina ang nangyayari kay Tope. Hindi man ito umamin, dati rin siyang OFW at alam niyang kapag ganito na raw ang sitwasyon, hindi na nakakapagpadala ng pera ang mister… kalimitan babae ang dahilan. Tinawagan niya ang kapatid na si Ricky at pinakusapang patawagin si Tope sa kanya. Hindi ito tumawag sa halip pinarating kay Ricky na hindi siya makakapagpadala. Kung bakit? Hindi na nito tinukoy. Sinubukan muling kausapin ni Mina si Tope, “Bakit Tope may iba ka na ba? May babae ka na ba?” diretsahang tanong nito. Giit nito, wala siyang babae. Tinanong siya ng misis kung paano na silang mag-iina? “Bahala ka na!”, matigas na sagot ng mister. Walang nagawa si Mina kundi ang umiyak. Napilitang aminin ng ina ni Mina ang pangangaliwa ng mister.  “Nung una talaga, inisip ko nag-aaliw lang siya. Alam kong sa huli babalik siya sa akin!” paniniwala ni Mina. Sa kabila ng pagtanggap, mismong ang asawa na ang pilit kumakalas sa kanya, “Kaya ko nagawa ’to… ’di na ako masaya!” diretsong sabi raw ni Tope. Hiniling din ni Tope na bigyan siya ng ‘spasyo’ ni Mina. Hinayaan naman siya ng misis na makapag-isip. Pinarating din ni Mina sa mga biyenan ito. Nagulat siya ng malamang alam na rin pala nila ang nangyari. Setyembre 2012, ang huling usap ng mag-asawa. “Anong ispasyo ang hinihingi mo? Alam ko naman, ako pipiliin mo lang dahil may mga anak ka sa’kin. Pero yang babae mo hindi mo malalaglag!” sama ng loob ni Mina.

Puno ng galit ngayon si Mina, hindi raw siya makakapagyag na mapunta ang asawa sa babae nito. “Ide-deport ko na lang siya!” anya niya. Nakahanap ng butas si Mina para pauwiin ng bansa si Tope. Ito ay ang paggamit ng ibang pangalan sa kanyang passport. Albert Dela Cruz, pangalan mismo ng pinsan ni Mina. “Hindi kasi pinayagan ang passport niya para sa pang 12 years sa Taiwan. Makaalis lang, ibang pa­ngalan ang ginamit,” pahayag ni Mina.

Ito ang dahilang ng pagpunta ni Mina sa aming tangggapan. Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00AM-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, malinaw na ang intensyon ni Mina ay makaganti dito sa asawa at babae nito (kung totoo ngang meron).Pabalikin sa bansa ang kanyang mister para dulo-dulo sa kanya pa rin ang uwi… Putulin ang pisi para makalas ang ugnayan ng mister at umano’y babae nito. Una pa lang mali na ang ginawang paggamit ng ibang pangalan sa passport. Malaking kaso ang maaring kaharapin mo niyan Tope. Hindi lang kasong ‘Petition for Support’. Kapag ika’y nabisto, ipade-deport ka at ‘di ka na makakabalik sa Taiwan. Kakasuhan ka rin ng Department of Foreign Affairs, Consular Division para sa ‘Violation of Passport Laws’ at ‘Falsification of Public Documents’.

Patung-patong na problema yan! Binigyan namin ng referral si Mina kay Asec. Jaime Victor Ledda ng DFA-Consular Affairs para siya ang mag-report sa asawa niya. Para sa isang taong kulang ang  daliri, napakalikot ng iyong mga kamay.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 (Aicel) /09198972854 (Monique)/ 09213784392(Pauline).Tumawag sa 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. (Lunes-Biyernes)

LSQUO

MINA

NIYA

RICKY

SIYA

TOPE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with