Misteryosong hayop sumalakay sa isang village sa Indonesia
ISANG misteryosong hayop na kahawig umano ng oso at baboy damo ang sumalakay sa isang liblib na lugar sa Indonesia. Hindi umano ganap na mabigyang deskripsyon ang hayop sapagkat kakaiba. Ngayon lamang daw nakakita ng ganoong uri ng hayop sa lugar.
Ayon sa isang 75-anyos na magsasaka, abala siya sa pagtatrabaho sa kanyang taniman ng gulay nang biglang sumalakay ang misyeryosong hayop. Nagtatakbo umano ang magsasaka para makaligtas sa hayop.
Ganundin ang nangyari sa isang 60-anyos na magsasaka. Nagtatrabaho siya sa bukid nang biglang makita ang kakaibang hayop at sumisingasing na sinalakay ang magsasaka. Nakaligtas ang magsasaka nang magtatakbo.
Isang araw, isang plantation worker naman ang sinalakay ng misteyosong hayop. Nangunguha umano ng prutas ang worker nang salakayin ng hayop. Ayon sa worker, nakarinig siya ng kakaibang ungol. Nang lumingon siya, nakita ang hayop na nakatayo na animo’y tao. Mahahaba raw ang kuko sa mga paa.
Bigla raw siyang sinalakay ng hayop. Pero buo ang loob ng worker. Hinarap niya ang hayop habang hawak ang matalim na karit na ginagamit na pangkuha ng prutas. Nang sumalakay ang hayop, kinarit niya ito sa leeg. Ilang unday pa ng karit at bumulagta ang hayop. Patay na ito.
Nagdatingan ang mga tao at inilatag ang katawan nito. Pero hindi nila ma-identify kung anong klaseng hayop ang napatay. May mahabang pangil ang hayop na parang sa isang wolverine. Sabi ng isang magsasaka, noon lang daw siya nakakita ng ganoong klase ng hayop.
Palaisipan sa marami kung saan nanggaling ang hayop at anong specie ito.
- Latest