EDITORYAL - Krimenkahit saan
KABI-KABILA ang mga nangyayaring krimen sa kasalukuyan. Tila wala nang takot ang mga gumagawa. Wala nang pangimi. Hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga liblib na probinsiya man.
Noong Linggo, isang bank executive, ina nito at maid ang pinatay ng magnanakaw na nakapasok sa kanilang bahay sa Sta. Cruz, Manila. Nahuli naman agad ang suspect at umamin sa krimen. Kamakalawa, nang-agaw ng baril ang suspect at napatay din ng mga pulis.
Isang TV talent naman ang pinatay at ginahasa pa. Itinulak si Julie Ann Rodelas palabas ng SUV. Ang kaibigan ni Rodelas na si Althea Altamirano at boyfriend nito na si Fernando Quiambao ang umano’y mastermind sa krimen. Ayon kay Altamirano, gusto lamang niyang turuan ng leksiyon si Rodelas dahil nagkakalat ng tsismis laban sa kanya. Matapos dukutin, dinala sa hideout sa Culiat si Rodelas at doon ginahasa at pinatay. Itinapon ang bangkay nito sa Cubao area. Nadakip ang mga suspect dahil sa resibo ng hamburger at nakunan din ng CCTV si Quiambao.
Ngayong 2012, limang mamamahayag na ang itinumba. Ang ikalimang biktima ay si Julius Caesar Cauzo, isang broadcaster sa local radio dwJJ station sa Cabanatuan City. Binaril siya ng riding-in-tandem. Hanggang sa kasalukuyan, nangangapa pa ang mga pulis kung sino ang nag-utos para patayin si Cauzo. Tatlong bala ang pumatay kay Cauzo. Hanggang ngayon, wala pang naaaresto.
Krimen kahit saan at wala nang pangimi ang mga kriminal. Malaking hamon ito sa Philippine National Police (PNP). Ang mabilis na pagkilos kagaya ng ginawa ng QCPD sa Rodelas case ang dapat tularan. Nararapat pang paigtingin ang police visibility. Kumpiskahin ang mga hindi lisensiyadong baril at durugin ang drug traffickers.
- Latest