‘Lamog na(?)’
WARAY man… matatas ang bitaw niya ng salita. Bawat buka ng bibig at bigkas tumatalim ang bigat ng sama ng loob nitong si Iday kay Toring.
“Papa… Hindi mo kami tinuring imong anak!” hinanakit ni Iday.
“Day! Manaog ka… manaog ka!” paulit-ulit na wika ni Toring.
Ganito ang naging kumprontasyon ng mag-amang Victor “Toring” at Michell “Iday” Enciso sa aming programa sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3-4PM at Sabado 11AM-12NN). Ang ugat ng madalas nilang sagutan, ang pagsasanla ng isang hektaryang niyugan at koprahan ng amang si Victor sa Leyte. Bunso sa limang magkakapatid si Iday. Lahat sila may mga pamilya na. Tatlong taong gulang pa lang siya, labas-masok na daw siya sa selda ng amang nakakulong nun sa Tacloban. Nakapatay dahil daw sa selos si Toring. Nataga niya ang pinaghihinalaang kalaguyo ng asawang si Elvira o “Elvy” dahilan para magdusa siya sa bilangguan. Itinuwid ni Toring ang nagawang pagkakamali. Inayos niya ang buhay sa kulungan. Si Elvy naman pilit ibinigkis ang noo’y pamilyang watak. Rehas man ang nakaharang, sinubukan pa rin nilang magkasama-sama subalit si Toring na mismo ang lumayo. Umibig siya sa ibang babae. Kay Normita “Noemi” Corton, anak umano ng dating kakosa. Dise sais pa lang nun ang babae, nasa 40 anyos si Toring. Nagsimula daw tulungan ni Toring si Noemi sa pag-aaral nito. Nang makatanggap ng ‘parole’ kay Noemi na siya umuwi at nagpabilanggo. Nagsama sila sa Julita, Leyte. Nag- copra sila at bumuo ng pamilya. Nagkaroon sila ng tatlong anak.
Ang paghihintay nila Iday nabalewala matapos talikuran ng kanilang ama. Mula nun ang inang si Elvy na ang kumayod. Naging Domestic Helper ito. Nitong huli maswerte siyang nakapunta sa London. Umigi man ang kanilang pamumuhay, hindi sumuko ang magkakapatid lalo na si Iday na maayos ang samahan nilang magkaka-anak. Halos ipagtabuyan daw sila ni Noemi na kung tawagin niya’y Madrasta. Kung anong inasenso ni Elvy siya naman pagkabaon sa utang ni Toring at Noemi. Nakiusap si Toring kay Elvy na tubusin ang isinanlang lupain sa halagang Php50,000. Kapalit nito ang pagsanla ng nasabing lupa sa kanya. Pinagbigyan siya ni Elvy. Matapos nito, umutang ulit ito ng Php20,000. Pagbalik ni Elvy sa Pinas, inalok silang bilhin ang lupain sa halagang Php150,000. “Tatlong daang libo daw dapat yun kung sa iba ibebenta pero dahil anak kami Php150,000 na lang…” ayon kay Iday. Pumayag sila Iday sa isang kondisyon, hihintayin niya ang padalang pera ni Elvy. Nagkasundo silang ipa-kopra pa rin ang niyugan kay Toring. “Ako na pakoprahin mo. Bigyan ko kayo ng porsyento…kalahati,” pangako daw ng ama. Maganda ang usapan nung una subalit ’di nagtagal nagkopra na daw si Toring ng hindi man lang nagsasabi. Pinalagpas nila ito. Kada hingi ng ama siyang bigay naman daw ni Elvy. Nitong Setyembre 2012, nagkasundo si Buboy, kapatid ni Iday at ina na magdadagdag sila ng Php30,000 para sa lupa. Mismong si Toring daw ang humiling. Walang alam si Iday sa napagkasunduan ng ina’t kapatid. Nagulat siya ng i-text siya ni Noemi a-uno ng Oktubre. Hinihingi nito ang 30mil. Sinabi ni Iday na wala pa ang pera at hindi pa tumatawag ang ina. Ilang araw makalipas kung anu-anong text na daw ang kanyang natanggap. Dito lang niya nalamang magpapadala si Elvy pambayad sa lupa at na-delay ito dahil siya’y nagkasakit. Inakala ni Noemi na iniipit ni Iday ang pambayad. Hinayaan niya lang si Noemi na magtext sa kanya hangang ika-9 ng Oktubre 2012, masasakit na text messages na daw ang kanyang na-receive.
“Bobo ka! Binubuhay mo asawa mong patay gutom.”
“Akala mo ba ‘di ko alam flirt ka. Malandi hindi ka na virgin ng mag-asawa lamog na sa mga lalaki, kasi sobrang landi.” mga texts daw nito. Hindi na ito pinalampas ni Iday kaya’t tinotoo niya ang bintang ni Noemi. Naipadala man ang pera, hindi niya ito pinakawalan sa palad niya. Nalaman rin ni Iday na isasanlang muli ang lupa. Dahilan para lumapit siya sa aming tanggapan. Itinampok namin sa “CALVENTO FILES” sa radyo si Iday. PARA SA PATAS na pamamahayag tinawagan namin ang ama niya. Pinag-usap namin ang mag-ama. Ngumingising sinabi ni Toring na aayusin niya ang usaping ito. Hindi naman nakuntento si Iday, bumalik siya sa amin kinabukasan at sa pagkakataong ito si Noemi mismo ang aming kinapanayam tungkol sa mga texts. Mabigat ang palitan ng mga salita nila Noemi. Tinanggi niyang sa kanya galing ang mensahe, “Wala nga po akong cellphone. ‘Di ako marunong mag-text. Gumagawa lang ng istorya yan para magkagulo,” giit niya. Magkaibigan din daw sila ni Elvy at wala daw siyang pakialam sa lupa. Si Iday lang daw ang problema. “Tatlong taon pa lang yan inalagaan ko na yan! Umiihi pa yan sa banig! Iyakin yang babaeng yan!” sumbat pa ni Noemi. Walang tiyak na sagot kung isasanla bang muli nila Toring ang lupa subalit ang ayon kay Noemi ibabalik daw nila ang pera nila Elvy pagkabenta nito.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kay Elvy na pwedeng isanlang muli ang isang lupain (second mortgage).Ang lupang ipinamana ng mga magulang ni Toring ay tanging kanya lamang. Wala silang karapatan dun. Ang tawag dun ay ‘exclusive property.’ Kapag ibinenta na niya ito, ang kinita nito ay kay Toring pa rin mapupunta sa ilalim ng prinsipyo ng ‘exclusive property’.Kung titignan wala pang pakialam ang mga anak ni Toring ano mang gawin niya sa lupa habang buhay siya. Naiintidihan din namin kung saan nanggagaling si Iday. Anak sila at natatakot silang baka ibenta lahat ni Toring ang lupa at lahat ng pera mapunta lang sa kanilang madrasta. ‘Di pa napawalang bisa ang kasal nila ni Elvy kaya itong si Noemi ay maaring maharap sa kasong ‘Concubinage’ bilang kaapid nitong si Toring (concubine). Sa mga mensahe naman sa ‘text’ gaya ng, ‘lamog ka na sa lalake bago ka nag-asawa’ napakahirap patunayan na galing nga sa kanya ito dahil ‘prepaid’ ang gamit niya at hindi linya. Simpleng ‘unjust vexation’ (pang-aasar o pang-iinis) lang ang maikakaso dyan. Ang nakikita kong ‘legal remedy’ nila ay kasuhan itong si Toring ng ‘Concubinage’. Maaring ito ang maging simula para makapag-usap at makapag-ayos silang dating magkapamilya. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)Ang aming numero 09213263166 (Aicel) / 09198972854 (Monique) 09213784392 (Pauline). Tumawag sa 6387285 at 24/7 hotline 7104038.Address: 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Lunes-Biyernes.
- Latest