Tao lang po ako, nagkakamali rin – Billy Crawford
MANILA, Philippines – Nakabalik na ngayong Lunes sa noontime show na “It's Showtime” ang host na si Billy Crawford matapos maaresto ng mga tauhan ng Taguig City police nitong nakaraang linggo.
Isang linggo nagpahinga sa trabaho si Billy matapos makulong dahil sa panggugulo sa istasyon ng pulis sa Bonifacio Global City.
Humingi ng paumanhin sa publiko ang TV host at sinabing pinatibay siya ng kanyang naranasan.
“Sana yung naranasan ko, hindi maranasan ng ibang tao. Kasi ako po, hindi po ako masamang tao,” wika ni Billy.
“Paumanhin lang po dahil paminsan-minsan po, nagkakamali rin po ako. Tao lang po ako.”
Sinabi pa niya na sa kanyang napagdaanan ay “nandito ang Panginoon para sa ating lahat.”
“Kailangan mahulog po tayo siguro para may matutunan tayo sa buhay natin. And I fell hard,” pahayag ng dating child star.
Inamin ng It's Showtime host na nasaktan siya sa komento ng mga tao tungkol sa kanyang nagawa.
“Masakit po, masakit yung mga sinasabi ng tao tungkol sa iyo na hindi totoo. Pero ang pinakaimportante lang po sa akin na natutunan ko, ang acceptance ng Panginoon sa akin. Yun lang,” patuloy pa ni Billy.
“I'm just a human being who's learning how to love and who's learning how to live. Ako po, I just want
to live properly.”
“It's time for me to learn about God and it's time for me to live a holy life,” Billy also said.
- Latest