Pingris pinayagan nang lumaro sa Gilas
MANILA, Philippines – Si Marc Pingris nga ba ang nagbago ng isip o ang San Miguel Corporation?
Kahapon ay inihayag ni Star Hotshots’ power forward Marc Pingris ang pagbabago ng kanyang desisyon para matulungan ang Gilas Pilipinas sa hangaring makuha ang karapatang katawanin ang Asya sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
“Despite my earlier pronouncement not to join and give others a chance to play for the country, Purefoods management has asked me to reconsider my decision. I talked to my wife and we agreed,” wika ni Pingris sa kanyang official statement. “In the end, it was pride and honor in representing the Philippines that prevailed over me.”
Apat na araw na ang nakararaan nang makipag-usap siya kay coach Tab Baldwin ukol sa hindi niya pagsama sa Gilas Pilipinas dahil sa mga bagay na hindi niya kontrolado.
Ang SMC ay kakumpitensya ng PLDT na siyang nagtataguyod sa Gilas Pilipinas at humahawak sa mga PBA teams na Talk ‘N Text, Meralco at NLEX.
Sinabi ni Star Hotshots governor Rene Pardo ng SMC organization na hindi nila pipigilan ang kanilang mga players sa Star, San Miguel at Barangay Ginebra na maglaro sa Gilas Pilipinas.
Nauna nang tumanggi sina back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng San Miguel at point guard LA Tenorio ng Ginebra na mapabilang sa Gilas Pilipinas ni Baldwin.
Sinabi ng 6’10 na si Fajardo na mayroon siyang foot injury, habang may fatigue naman si Tenorio.
Sina Fajardo, Pingris at Tenorio ay miyembro ng Gilas Pilipinas ni dating mentor Chot Reyes na kumampanya sa 2014 FIBA World Cup sa Spain makaraang angkinin ang silver medal sa FIBA Asia Championships na idinaos sa Mall of Asia Arena sa Pasay City noong 2013.
Makakasama ni Pingris sa Nationals ni Baldwin sina naturalized player Andray Blatche, Asi Taulava, Sonny Thoss, Aldrech Ramos, Dondon Hontiveros, JC Intal, Gary David, Jayson Castro, Matt Ganuelas, Gabe Norwood, Jimmy Alapag, Troy Rosario, Calvin Abueva, Terrence Romeo at practice player Moala Tautuaa.
Ang maghahari sa 2015 FIBA Asia Championships sa Changsa, China na nakatakda sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 ang makakakuha sa nag-iisang tiket sa 2016 Rio Olympics.
- Latest