‘Mighty Mouse’ wala pang desisyon para sa paglalaro sa 2014 Asian Games
MANILA, Philippines – Wala pang katiyakan kung gusto ni point guard Jimmy Alapag na sumama sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa darating na 2014 Asian Games sa Incheon, Korea.
Nauna nang sinabi ni Alapag na ang 2014 FIBA World Cup ang magiging huli niyang torneo bilang miyembro ng Gilas Pilipinas.
Ngunit nais ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan na isama si Alapag sa line-up ng national team para sa Incheon Asiad dahil sa magandang ipinakita nito sa FIBA World Cup.
Umaasa si head coach Chot Reyes na magbabago ng isip ang tinaguriang ‘Mighty Mouse’ na si Alapag.
Sina Reyes at Alapag ay nagpaiwan dito kasama ang kanilang mga pamilya para magbakasyon.
Bukod kay Alapag, iniisip din ni Reyes ang paglalaro ni naturalized center Andray Blatche sa Asian Games.
Kamakalawa ay inihayag ng FIBA, ang international basketball federation, ang pagkampi sa pagsusulong ng SBP na mapaglaro ang 6-foot-11 na si Blatche sa Asiad.
Isang delegation registration meeting ang itinakda ng Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC) para pagdesisyunan ang eligibility ni Blatche.
- Latest