Fake news inupakan ni Sen. Trillanes
KAHIT wala pang batas sa “right to reply” ugali na natin na ibigay ang panig ng sino mang tao na tinamaan ng sinumang reporter o manunulat. Wika nga, in the interest of fair play. Bagamat naisulat na natin ito bilang balita sa isyu natin kahapon, bayaan ninyong ulitin ko ngayon sa aking kolum.
Ako naman talaga ang may sagutin dahil sa kolum ko lumabas ang sinabi ng isang source na tinawag na “little narco” ni US President Trump si Sen. Antonio Trillanes, bagay na pinasinungalingan ng Senador. Mukha kasing nagpapatawa si Trump (kung siya nga ang nagsabi) sa ginawa niyang paglalaro sa magkatunog na katagang “Narco” at Marco.”
Pero hindi ko inaabsuwelto ang sarili ko bagamat sinasabi kong ito’y isinulat ko bilang opinion writer base sa sinabi sa akin ng isang source na pinaniniwalaan kong katiwatiwala. Isa pa, naisulat ko ito nang walang pagpaparatang kay Trillanes. Hindi ko rin sinabing totoo o hindi totoo ang pangyayari na inakala ko lang na nakakatawa ang laro sa salita ni Trump, kung sinabi niya nga na “the little Narco met with Sen. Marco”. Pero dahil nakasakit ako ng kalooban, masasabi ko’y mea culpa. Sorry.
Ani Trillanes, “fake news” ang pinagmulan nito dahil wala namang ganoong interview kay Trump. Binanatan din ni Trillanes ang mga kilalang bloggers na sina RJ Nieto at Thinking Pinoy dahil sinakyan ang kolum sa kanila FB blogs at tila sineryoso nila sa halip ituring na biro.
Mabilis namang inalis ng ating pahayagan sa kanyang website na philstar.com ang kolum ko dahil sa hindi magandang ibinunga matapos pagpistahan ng ilang netizens. Minsan, ang kapilyuhan ng isip, kahit walang intensyong masama ay nagbubunga ng di inaasahang gusot. Sorry po at hindi ako perpekto.
- Latest