EDITORYAL - Maging preparado sa lindol
KAHAPON ng umaga, niyanig ng 5.8 magnitude na lindol ang Ormoc, Leyte. Naglabasan sa kani-kanilang mga bahay ang mga residente. Pati ang mga estudyante at guro ay nagkukumahog sa paglabas. Maraming aftershocks ang naramdaman kahapon na lalong nagdulot ng takot sa mga residente. Mayroong ayaw nang pumasok sa bahay sa pangambang lumindol muli.
Noong nakaraang Huwebes, nilindol ng 6.5 magnitude ang Leyte. Dalawa ang namatay at nasa 100 ang nasugatan. May mga naguhong gusali at bahay. May mga sasakyang nabagsakan at naguhuan. Nagkabitak-bitak ang kalsada.
Ang mga nararanasang paglindol ay nagpapaalala sa mga pinuno ng mga bayan at lunsod na magsagawa ng earthquake drill. Kung may sapat na kahandaan ang mga residente, marami ang makakaligtas sa tama nang malakas na lindol. Ang pagpapanik sa oras ng lindol ang dahilan kaya may mga namamatay. Mahalaga ang earthquake driil sa mamamayan.
Matagal nang nagpaaalala ang Philippine Institute on Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa mamamayan ukol sa pagtama ng lindol o ng “The Big One” sa Metro Manila. Anumang oras ay maaaring lumindol.
Ayon sa Phivolcs, ang faultline ay nagsisimula sa Montalban, Rizal at nagtatapos sa Carmona, Cavite. Kung tatama ang 7.2 na lindol sa nasasakop ng faultline maraming mamamatay. Noong 2013, nagbabala na ang Phivolcs na kapag tumama sa Metro Manila ang 7.2 magnitude na lindol, 37,000 katao ang mamamatay at ang pinsala ay aabot sa P2.4 trillion.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) magkakaroon ng earthquake drill sa Hulyo 14-17. Hinihikayat ng MMDA ang taumbayan na makiisa rito para maging handa sa pagtama ng lindol. Nararapat mamulat ang lahat sa kahalagahan ng paghahanda para maiwasan ang pagpa-panic at casualties. Maging preparado at alerto ang mamamayan.
- Latest