EDITORYAL - Paigtingin pa, paglaban sa illegal na droga

ISANG taon na sa puwesto si Pres. Rodrigo Duterte at isang taon na rin ang kampanya ng kanyang pamahalaan laban sa illegal na droga. Pero wala pang makitang pagbabago sapagkat hanggang sa kasalukuyan, patuloy na bumabaha ang shabu at marami ang nalululong dito. Sa kabila na maraming nakukumpiskang shabu at may sinasalakay na laboratoryo nito, marami pa ring binibenta. Walang pagkaubos at lalo pang dumarami habang pinagmamalaki naman ng Philippine National Police (PNP) na tagumpay ang paglaban nila sa drug traffickers.
Saan nanggagaling ang shabu at parang balon na hindi maubus-ubos? Nire-recycle ng mga awtoridad? Kapag nakakumpiska ng shabu, ibabalik muli sa kalye? Marami nang pulis ang nahuling gumagawa ng ganito at inamin nilang “ibinabalik nila sa kalye” ang shabu. Mga pulis na naka-assigned sa anti-drug unit ang karaniwang nagre-recycle ng shabu.
Ang hindi maubos na shabu ay nagbibigay ng pangamba sa sambayanan. Kung hindi mapipigilan ang pagkalat ng shabu, nasa panganib ang buhay ng mamamayan sapagkat lalo pang darami ang addict na walang patumangga kung pumatay, manggahasa, magnakaw at iba pang krimen.
Ang panggagahasa at pagpatay sa dalawang babae sa San Jose del Monte City, Bulacan noong Linggo ng gabi ay dahil sa pagkalulong sa shabu. Bukod sa dalawang babae, tatlo pang bata ang pinatay ng addict na si Carmelino Ibañez, isang construction worker. Nahuli siya noong Huwebes at inamin ang pagpatay at panggagahasa. “Trip-trip” lang daw kaya niya ginawa iyon. Dalawa pang suspect ang hinahanap ng mga pulis.
Nakakabahala ang hindi masugpong pagkalat ng shabu na kahit sa mga liblib na lugar ay nakakarating na. Isang taon na ang kampanya ng Duterte administration sa illegal na droga pero wala pang nakikitang positibo na magiging drug-free ang bansa. Kailangang triplehin pa ang pagtatrabaho sa problemang ito.
- Latest