EDITORYAL - ‘Kamay na bakal’ laban sa Abu Sayyaf
INILAGAY sa YouTube ang photos ng dalawang Canadian hostages habang may nakaumang na patalim sa leeg ng isa sa sa mga ito. Nagbanta ang Abu Sayyaf na pupugutan nila ng ulo ang mga bihag kapag hindi ibinigay ang ransom na hinihingi. Una nang pinugutan dalawang linggo na ang nakararaan ang Canadian tourist na si John Ridsdel. Natagpuan ang katawan niya noong nakaraang linggo at kinikilala ng Canadian Embassy. Sina Ridsdel at mga kasamang sina Robert Hall (Canadian) at girlfriend nito na si Marites Flor at Norwegian na si Khartan Sekkingstad ay kinidnap noong Set. 21, 2015 sa Samal Island, Davao del Norte. Naghinagpis ang mga kaanak ni Ridsdel sa sinapit nito sa kamay ng mga kidnaper. Gumagawa raw naman sila ng paraan pero bakit kailangan pang gawin iyon kay Ridsdel. Pinugutan si Ridsdel dahil hindi umano binigay ang ransom na hinihingi.
Gumagamit ng social media ang mga bandido para iparating ang kanilang demand na ransom. Ikinakalat para marami ang makakita. Bukod sa photos ng mga biktima na nasa YouTube, mapapanood din ang pagpugot kay Ridsdel na unang ini-upload sa YouTube.
Makaraang matagpuan ang ulo ng Canadian sa isang kalsada sa Sulu, agad namang ipinag-utos ni President Noynoy Aquino ang opensiba sa Abu Sayyaf na namugot ng ulo. Mula nang umpisahan ang opensiba, marami nang napatay na Abu Sayyaf. Sabi ng Presidente, tuluy-tuloy na raw ang pagdurog sa Abu Sayyaf.
Matagal nang namamayagpag ang Abu Sayyaf (tatlong dekada na) at hanggang ngayon, patuloy pa rin sila sa masamang gawain. Nabubuhay sila dahil sa nakukuhang ransom. Malakas ang kanilang loob na mangidnap dahil nakakakuha sila ng ransom.
Tama ang opensiba sa mga bandido pero gaano katiyak na mauubos sila. Gaano katiyak na walang makakaligtas sa pagsalakay. Mas maganda kung “kamay na bakal” na ang gamitin laban sa Abu Sayyaf. Ipakita ng gobyerno na kayang lipulin ng mga sundalo ang mga bandido. Wakasan na ang mga masasamang tao!
- Latest