‘Ang Babaeng Sinilid Sa Drum’ (Ruby Rose Barrameda Murder) (Ikalawang bahagi)
‘Ang babaeng sinilid sa drum’ (Ruby Rose Barrameda Murder) (Unang bahagi)
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
“ANG buong akala namin si Lope Jimenez ang nag-utos sa mga gwardiyang ‘wag kaming papasukin… pero nalaman namin si Mrs. Aguinaldo pala… asawa ng mga abogado nila Atty. Manuel Jimenez Jr,” pahayag ni Rochelle.
NUNG LUNES itinampok namin sa aming pitak ang sinapit ni Ruby Rose Barrameda-Jimenez, ang kapatid ng ‘beauty queen’ na si Rochelle Barrameda.
Sinubukan niyang dalawin ang mga anak sa bahay ng mga Jimenez subalit bawal na siyang pumasok sa subdivision. Nalaman nilang hindi si Lope ang nag-utos kundi ang asawa umano ng abogado ng mga Jimenez.
Si Lope Jimenez ay kapatid ni Atty. Manuel Jimenez Jr. ang ama ng asawa ni Ruby na si Manuel Jimenez III o “Third”. Siya ang namamahala sa negosyo ng pamilya Jimenez ang BSJ Company.
“Tinanong namin kung bakit banned ang kapatid ko? Wala namang order? Kaya nabaliwala ito at nakapasok na kaming muli,” sabi ni Rochelle.
Nagsampa ng Petition for Habeas Corpus sa Las Piñas Court si Ruby sa tulong ng dati nilang abogado na si Atty. Salvador Peña. Nagkaroon ng pagdinig ng kaso sa sala ni Judge Gloria Aglugub.
Enero 30, 2007, pinakita ni Third ang dalawang bata. Kasama raw niya nun ang body guard na si Spyke Descalzo at mga tiyahin.
Tinanong ang kanilang panganay kung kanino niya gustong sumama. Sagot nito, “Kay Daddy kasi malapit sa school…”
Dahil Pitong taong gulang mahigit na ang kanyang anak at pinili nitong tumira sa mga Jimenez hinayaan ito ni Ruby at sinabi kay Judge Aglugub na kahit ang bagong panganak niyang sanggol muna ang mapunta sa kanyang pangangalaga lalo na’t nagpapa-‘breastfeed’ siya.
“Kawawa naman kung paghihiwalayin ang bata sabi ni Judge Aglugub. Si Ruby na lang daw ang pumunta,” ani Rochelle.
Mabilis na sagot ni Ruby, “Bakit po ako pupunta dun e sinaktan niya ako?”
Tinanong ng babaeng hukom si Third,“Sasaktan mo ba siya Third?
Mabilis daw na sagot ni Third, “Hindi po!”,
Inutos ni Judge Aglugub na magpasa na lang ng ‘Motion for Custody’ sina Ruby para sa kanila mapunta ang kustodiya ng mga anak.
Marso 14, 2007, naglabas ng desisyon sa Temporary Protection Order (TPO) na una ng sinampa ni Ruby. Bandang 12:00 ng tanghali, nagpunta si Ruby sa IBank para magdeposito ng pera sa banko. Gamit ni Ruby ang Mitsubishi Galant, may plakang TNS-715 na pagmamay-ari ng ama niyang si Robert.
“Araw-araw pumupunta si Ruby kina Third para bisitahin yung mga anak niya at para magpa-breastfeed. Nung araw na yun dumaan muna siya sa banko,” kwento ni Rochelle.
Alas kwatro ng hapon ng tumawag ang isang kaibigan ni Ruby at sinabi kay Rochelle na nakapatay ang tatlong cellphones nito. Tinawagan agad ni Rochelle ang mga numero ng kapatid subalit hindi nga ito makontak.
“Pinatawag ko ang kasambahay namin sa mga Jimenez at pinahanap si Ruby subalit wala raw Ruby Rose na nagpunta dun…” pahayag ni Rochelle.
Pinuntahan naman ng asawa ni Rochelle ang gwardiya ng BF Homes at nagtanong kung may nagdaang Galant na kotse subalit wala rin umano.
Alas 8:00 na ng gabi wala pa rin si Ruby kaya’t nagdesisyon silang mag-‘blotter’ na sa Barangay Talon 5. Naghanap sila mula 8:00PM-4:00AM subalit hindi pa rin nila natagpuan si Ruby.
Nagdesisyon na silang pumunta sa Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) sa Camp Crame at nag-report. Wala pang isang araw mula ng mawala ang kapatid niya kaya’t naghintay pa sila ng ilang oras para madeklara itong “Missing Person”.
Pumunta sila sa IBank para kumpirmahin kung nagpunta nga dun ang kapatid at para makakuha ng kopya ng CCTV. Binirepika nilang galing nga dun si Ruby bandang 1:59 ng hapon.
“Kukuha na sana kami ng kopya kaso 3:00 ng hapon tumawag sa amin ang taga IBank at sinabing nabura ang kopya ng CCTV nung oras na pumunta dun si Ruby,” kwento ni Rochelle.
Biyernes nagsanib pwersa na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) at nagbuo ng Task Force. Sinubukan din ng mga Barrameda na humingi ng tulong kay Third subalit ayaw umano itong makialam sa paghahanap.
Mahigit dalawang taong walang tigil sila Rochelle sa paghahanap kay Ruby. Hanggang nagkaroon ng ‘break through’ sa kaso ni Ruby.
Buwan ng Mayo 2009, may isang nagpakilalang “Sally”, balae ng isang nagngangalang Irene Montero, ang nagpunta sa Parañaque City Hall at nagtatanong kung paano makakausap ang pamilya Barrameda.
Lumapit si Sally kay Val Sotto at ipinarating naman ito ni Val kay Rochelle sa opisina ni Val sila unang nagharap.
Ayon kay Sally, si Irene ang asawa ni Manuel Montero. Siya raw ang may alam sa tunay na nangyari kay Ruby.
“Sinabi kong magpunta kami sa NCRPO kay Gen. Roberto ‘Boysie’ Rosales…” ani Rochelle.
Parehong araw nagkita sina Rochelle sa Pizza Hut, BF Homes. Nagkaharap sila dun nila Sally, Major Rodriguez, Irene, ayon kay Rochelle.
Nagsimulang isalarawan ni Irene ang huling suot ng kanyang kapatid. Maging ang dalang ‘bag’ at ‘wallet’ nito.
“Sinabi pa niya laman ng wallet ni Ruby pati yung picture naming dalawang magkapatid na nandun alam niya…” pahayag ni Rochelle.
Hiniling ni Rochelle na ipakita sa kanya ang asawa nitong si Manuel na siyang umano’y susi sa pagkawala ni Ruby Rose.
Ika-18 ng Mayo 2009… ang itinakdang araw ng paghaharap nila Manuel at pamilya ni Ruby sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
SINO si MANUEL AYA MONTERO? Ano ang kinalaman niya sa pagkawala ni Ruby? Maituro niya kaya ang kinaroroonan ni Ruby?
ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa BIYERNES. EKSKLISIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento
- Latest