Magbiyenan natusta, 4 sugatan sa sunog!
MANILA, Philippines — Patay ang magbiyenan habang apat pa ang sugatan nang sumiklab ang malaking sunog sa isang residential area na tumupok sa 10 kabahayan dahil sa hinihinalang pinaglaruang posporo ng mga bata sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Anastacio Cruz, 80-anyos, at manugang niyang si Gerardo Lopez, 50-anyos.
Ang mga sugatan ay sina Rosemarie Gonda, 66-anyos na nabalian ng buto dahil sa pagtalon mula sa ika-apat na palapag na gusali; anak nitong si Mary Ann; bumberong si Fire Officer 1 John Natividad at isang Ritchie Catle, 37.
Sa inisyal na ulat ng Manila Fire Bureau, dakong alas-10:20 ng umaga nang magsimula ang apoy sa bahay ng isang Boy Arthus, sa Francisco St., malapit sa kanto ng Loreto Street sa Sampaloc. Mabilis na kumalat ang apoy sa iba pang kalapit na tahanan na pawang gawa sa mahihinang materyales. Nasa 30 pamilya ang naapektuhan ng sunog na tumagal sa halos isang oras.
Lumalabas na posporo na napaglaruan ng mga bata ang posibleng dahilan ng pagsiklab ng apoy at inaalam din kung sanhi ito ng ilegal na koneksiyon ng kuryente sa lugar.
- Latest