Lookout order vs 16 fratmen, iniutos ng DOJ
MANILA, Philippines — Nasa Lookout Bulletin Order (LBO) na ng Bureau of Immigration (BI) ang 16 na miyembro ng Aegis Juris Fraternity na pinaniniwalaang responsable sa isinagawang hazing ceremony na ikinamatay ng 1st year law student na si Horacio Tomas Castillo III noong Linggo.
Ito ang nakasaad sa kautusan ni Justice Secretary Vitalliano Aguirre II kaugnay sa panibagong kaso ng hazing na ikinasawi ni Horacio III o Atio.
Kabilang sa nasa lookout list ay sina Arvin R. Balag, Mhin Wei Chan, Marc Anthony Ventura, Axel Mundo Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Jason Adolfo Robiños, Ralph Trangia, Ranie Rafael Santiago, Danielle Hans Mattew Rodrigo, Carl Mattew Villanueva, Aeron Salientes, Marcelino Bagtang, Zimon Padro, Jose Miguel Salamat at John Paul Solano, sinasabing siyang nagsugod sa Chinese General Hospital sa biktima.
Ayon kay Aguirre, bagamat hindi ipinagbabawal ang paglabas sa bansa, ia-alerto naman ng mga tauhan ng BI ang DOJ at National Bureau of Investigation (NBI) sakaling magtangka ang sinumang nasa lookout list nila na bumiyahe habang may isinasagawang imbestigasyon laban sa kanila.
Aniya, layon nilang mabantayan ang kilos at galaw ng mga sangkot.
Noong Miyerkules, sinabi ng Manila Police District (MPD) na itinuturing ng person of interest o principal suspect sa kaso si Solano dahil nagsinungaling umano ito sa pulisya.
Sinabi ni Solano na dinala niya sa Chinese General Hospital si Castillo nang matagpuan niya itong duguang nakahandusay sa isang bangketa sa Balut, Tondo.
Gayunman, pinabulaanan ng mga opisyal ng barangay sa lugar ang pahayag ni Solano at wala naman anila silang natanggap na ulat sa nasabing insidente at hindi rin ito na-record sa kanilang CCTV.
Natuklasan kalaunan ng pulisya na miyembro ng Aegis Juris fraternity si Solano.
- Latest