Parents masasapol sa pinalakas na ordinansa ng curfew sa Caloocan
MANILA, Philippines - Mapipilitang gumastos ang mga iresponsableng mga magulang sa oras na ipatupad na ang mas pinahigpit na ordinansa sa curfew sa mga kabataan sa lungsod ng Caloocan dahil sa parusang multa kung paulit-ulit na nadadampot ang mga menor-de-edad na anak sa dis-oras ng gabi.
Sa ginanap na pulong ng Peace and Order Council ng Caloocan City, inatasan ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang Caloocan City Police bilang pangunahing magpapatupad ng curfew base sa City Ordinance No. 0247 of 1997.
Dito ipinagbabawal ang mga menor-de-edad na gumala pagsapit ng alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Bukod dito, ipatutupad na rin umano ang panghuhuli sa mga taong nakahubad ng damit pang-itaas, mga nag-iinuman sa mga pampublikong lugar tulad ng mga kalsada at maiingay na videoke sessions ng lagpas alas-10 ng gabi.
Base sa umiiral na ordinansa, ang mga batang unang beses na mahuhuli ay bibigyan lamang ng “reprimand” pati ang magulang; P300 multa sa magulang sa ikalawang paglabag; P500 sa ikatlo; at paglalagay sa kustodiya sa bata sa institusyon ng “social welfare” sa ikaapat na paglabag.
Sa panukalang pag-amiyenda naman ni Councilor Onet Henson sa ordinansa sa ilalim ng Proposed Ordinance No. 1613 of 2016. Nakasaad dito na sa unang paglabag itataas ang multa sa magulang sa P1,000 bukod pa sa 48 oras na “community service”; P1,500 multa at 72 oras na community service sa ikalawang paglabag; sa ikatlong paglabag, P3,000 multa o tatlong buwang pagkakulong sa magulang at paglalagay sa kustodiya sa “social welfare services development department” ng lungsod; habang sa ikaapat na paglabag ay tuluyang pagditine sa bata sa “social welfare entities”.
Hindi naman kasali sa curfew ang mga kabataan na papasok sa “occupational exemptions, incidental exemptions at occasional exemptions”.
- Latest