30,000 security forces, gagamitin sa APEC
MANILA, Philippines – Tatlumpung libong security forces mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ang mangangalaga sa seguridad ng 21 lider ng mga bansa at mga delegado, habang ipatutupad din ang ‘no fly zone’ kaugnay ng gaganaping Asia Pacific Cooperation (APEC) Summit sa bansa ngayong buwan.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla na nasa 30,000 ang naatasang mangalaga sa seguridad ng mga dadalo sa APEC Summit sa venue ng okasyon, billeting area ng mga delegado at iba pa.
Samantalang ipatutupad din ang ‘no fly zone ‘sa panahong isinasagawa ang APEC Summit sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Roxas Boulevard, Pasay City umpisa Nobyembre 17-20.
Kasabay nito, inihayag ng opisyal na ang APEC Summit ay 21 beses na mas malaki pa sa preparasyon ng seguridad sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis noong Enero ng taon ding ito.
Sa panig naman ni Col. Vic Tomas, Deputy Commander ng Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR) na handang-handa na ang AFP na suportahan ang PNP para tiyakin ang kaligtasan at katahimikan sa panahong idinaraos ang APEC Summit.
Ayon kay Tomas ang utos ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez, Overall Commander ng National Joint Task Force (JTF) for APEC ay ma-achieve ang ‘zero incident’ sa nasabing mahalagang okasyon na iho-host ng pamahalaan. Kaugnay nito, sinabi pa ni Padilla na walang namo-monitor ang mga awtoridad na banta sa seguridad sa pagdaraos ng APEC Summit .
- Latest