Guingona kay Napoles: Tulungan ang bayan, magsabi ng totoo
MANILA, Philippines – Hinamon ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Teofisto Guingona III ang umano’y utak sa likod ng pork barrel scam Janet Lim-Napoles na sabihin ang katotohanan.
Sinabi ni Guingona na kailangang patunayan ni Napoles na mali ang mga haka-haka ng publiko na walang maidudulot na maganda ang pagharap niya sa Senado.
"Pagkakataon niyong makatulong sa bayan, huwag niyong sayangin ang pagkakataong ito," pambungad na salita ni Guingona kay Napoles.
"Patunayan ninyo sa publiko na mayroon pang natitirang malasakit sa inyo para sa bayan," dagdag niya.
Sinabi pa ng senador na dapat sabihin ni Napoles ang pawang katotohanan upang makumpleto ang kanilang imbestigasyon.
Humaharap ngayong si Napoles sa imbestigasyon ng senado sa umano’y maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na pork barrel.
Dumalo sa pagdinig ng Senado si Napoles na walang abogado matapos magbitiw si Lorna Kapunan.
Binigyan ng gobyerno si Napoles ng tatlong abogado mula sa Public Attorney’s Office.
Ito lamang ang unang pagkakataon na nagkita ang mga abogado at si Napoles kaya naman humingi sila ng 30 minuto upang makapag-usap.
- Latest
- Trending