Mag-asawa, 10-anyos anak minasaker!
Tindahan pinasok ng 4 ‘kustomer’
SAN LEONARDO, Nueva Ecija, Philippines — Kapwa naliligo sa sariling dugo at wala nang buhay nang datnan ng pulisya ang mag-asawang negosyante at 10-taong gulang na anak na babae makaraang pasukin at imasaker sa loob ng kanilang tindahan sa Purok 5 ng Barangay Mallorca sa bayang ito, noong Miyerkules ng hapon.
Hindi muna pinangalanan ng pulisya ang nasawing mga biktima ngunit tinukoy na ang padre de pamilya ay isang 55-anyos, habang ang misis ay 52-anyos.
Ayon sa ulat, napag-alaman na ala-1 ng hapon habang nasa loob ng kanilang tindahan ang mga biktima nang biglang dumating ang apat na lalaking sakay ng dalawang motorsiklo at armado ng mga baril.
Nagkunwari pa umanong mga kustomer ang apat na suspek at doon isinagawa ang brutal na pagpatay sa mga biktima nang isa-isa silang pagbabarilin.
Pawang sa ulo binaril ang mga biktima at anim na basyo umano ng kalibre .45 baril ang nakuha sa lugar ng krimen, batay sa inisyal na pagsisiyasat ng mga rumespondeng pulis.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad laban sa mga suspek.
Isa sa apat na suspek ang naaresto sa operasyon na kinilalang “si Joey Fernandez Marcelo” ng bayan ng San Leonardo, na nasukol sa bayan ng Peñaranda, Nueva Ecija.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa brutal na pagpatay sa tatlong miyembro ng pamilya.
- Latest