21 pupils ‘nalason’ sa expired chocolate

MANILA, Philippines — Dalawampu’t isang elementary pupils ang naratay sa pagamutan matapos ang mga itong ma-food poisoning sa kinaing expired na imported na tsokolate sa isang elementary school sa Talisay City, Negros Occidental kamakalawa.
Sa ulat sa Office of Civil Defense (OCD) Western Visayas Region, mula sa kabuuang 21 estudyante na naapektuhan sa “food poisoning”, 15 dito ay mga Grade 5, apat sa Grade IV at dalawa naman sa Grade 3; pawang ng Bubog Elementary School.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente dakong alas-8 ng umaga nang kumain ng tsokolate ang mga elementary pupils.
Nabatid na isa sa mga magulang ng mga bata ang nagdala ng mga imported na tsokolate na nabili umano nito sa isang vendor sa Metro Manila at ipinagbenta naman sa mga elementary pupils sa nasabing eskuwelahan.
Gayunman, ilang oras matapos na makain ang tsokolate ay dumanas ng matinding pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng tiyan, at diarrhea o pagtatae ang mga bata bunsod upang mabilis silang isugod sa Talisay City Health Office at binigyan ng medikasyon.
Samantala, nang suriin ng mga health officials ang kinain ng mga mag-aaral, sinabi ng mga bata na ang tsokolate na mula sa isang ginang na ina ng isa sa mga estudyante na ipinagbili nito sa murang halaga.
Agad na isinailalim sa eksaminasyon ang imported na tsokolate at dito’y nakita ang isang chocolate bar na hindi pa nakakain ng isa sa mga bata na Setyembre 17, 2024 pa ang expiration.
Sa pahayag ng pangasiwaan ng eskuwelahan, pinapayagan lamang nila ang pagbebenta ng pagkain sa loob ng school canteen at ang lahat ng produkto ay dapat may tatak ng Sangkap Pinoy seal para tiyakin ang kaligtasan ng mga batang mag-aaral.
- Latest