Tinyente, binoga ng dyowang patrolwoman!

Napikon sa pambu-bully ng mga kaibigang pulis
COTABATO CITY, Philippines — Malubha ang isang 50-anyos na police lieutenant matapos ng barilin ng ilang beses ng kanyang live-in partner na pulis sa kalagitnaan ng kanilang away sa kanilang tinitirhan sa Barangay Sinawal, General Santos City nitong gabi ng Lunes.
Kinumpirma nitong umaga ng Martes ng mga opisyal ng General Santos City Police Office na nagtamo ng mga maselang tama ng bala sa katawan sanhi ng insidente si Police Lt. Joseph Miasan Denaga, kasapi ng isang unit ng Police Regional Office-12.
Kusangloob namang nagpaaresto sa mga pulis na nagresponde sa insidente si Patrolwoman Kamille Kaye Daliva Asuncion, ang kinakasama ni Denaga na nakabaril sa kanya ng ilang beses. Siya ay nahaharap sa kasong frustrated homicide.
Ayon sa kanilang mga kapitbahay unang narinig na nagtatalo ang dalawa hinggil sa inirereklamo ni Asuncion kay Denaga na pambu-bully sa kanya ng mga kapwa pulis bago umalingawngaw ang ilang putok sa kanilang kinaroroonan.
Ayon sa mga imbestigador at mga barangay officials, matindi ang pagtatalo ng magdyowang pulis bago inilabas ng lady cop mula sa pinagtataguan nito ang kanyang service pistol at pinaputukan ng ilang beses ang kinakasamang si Denaga.
- Latest