Parak tiklo sa P136 milyong shabu sa Baguio!

3 pang kasabwat arestado
MANILA, Philippines — Isang pulis at tatlo pang kasabwat nito ang dinakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) matapos makuhanan ng 20 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P136 milyon sa Baguio City, Benguet kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga nadakip na sina alyas “Moling”, 45, may ranggong Police Executive Master Sergeant (PEMS); alyas “Teope”, 49; sales master ng Atome Korean product; alyas “Laurente” , 38; pawang residente ng Baguio City at alyas “Basallo”, 37, mekaniko ng San Juan, Agoo, La Union.
Sa report ng PDEA Regional Office-National Capital Region, bandang alas-11:02 ng umaga nitong Marso 25, nang ikasa nila ang drug bust operation laban sa mga suspek sa South China Sea Green Valley Subdivision sa Brgy. Dontogan, Benguet.
Nasamsam ng mga operatiba ang 20 piraso ng heat-sealed transparent plastic pack na naglalaman ng puting crystalline substance na pinaniniwalaang shabu na humigit-kumulang 20,000 grams o 20 kilo, na tinatayang nagkakahalaga ng P136,000,000.
Nakumpiska rin sa mga suspek ang mga cellular phone, buy-bust money, baril, sasakyan, at mga identification cards.
- Latest