2 ‘killer’ ng vice mayor sa Cagayan at 5 eskort, timbog

MANILA, Philippines — Matapos ang mahigit 2-taong pagtatago sa batas, nasakote na ang dalawang suspect sa pagpatay sa vice mayor ng Aparri, Cagayan at lima niyang escort, sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Brgy. Luna, Santa Rosa, Nueva Ecija nitong Martes.
Sa report ni Police Regional Office (PRO) 2 director P/Brig. Gen. Antonio Marallag Jr., kinilala lang ang mga naaresto sa mga alyas na “Ramon”, lider ng De Guzman Group, isang potensyal na Private Armed Group (PAG) sa Cagayan, at “George” na taga-Mallorca, San Leonardo, Nueva Ecija.
Ayon kay Marallag, ang dalawang suspect ang nasa likod ng pamamaslang kina Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at limang kasamahan sa naganap na pananambang sa Brgy. Kinacao, Bagabag, Nueva Vizcaya noong Pebrero 19, 2023.
Nasa kustodya na ng Bayombong Municipal Police sa Nueva Vizcaya ang dalawa na kapwa na nahaharap sa 6-counts of murder na walang inirekomendang piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
“The arrest of the suspects is a testament to our unwavering commitment to ensure justice and upholding the rule of law in the Cagayan Valley region,” anang heneral.
- Latest