5 Chinese nationals na POGO worker arestado sa BI

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang limang Chinese nationals na blacklisted bilang mga POGO workers sa Zamboanga International Airport noong Marso 22.
Sa isinagawang joint operations ng BI Intelligence Division at ng Fugitive Search Unit kalaboso sina Ying Guanzhen, 31; Yang Jinlong, 29; Liu Xin, 28; Shen Kan, 36; at Luo Honglin, 27.
Ayon sa BI, dalawa sa mga naarestong indibiduwal ay mga takas mula sa China, habang ang tatlo ay dating iniugnay sa Lucky South 99, isang kumpanya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ni-raid dahil sa umano’y ilegal na aktibidad.
Sinabi ng BI na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa government intelligence sources na ang grupo ay napigilan sa kanilang pagtatangka na tumakas sa bansa sa pamamagitan ng backdoor exit route mula Tawi-Tawi hanggang Sabah, Malaysia, gamit ang isang ‘transporter’ para makaiwas sa mga awtoridad.
Gayunpaman, napigilan ng mga awtoridad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang kanilang pagtakas nang magkaproblema ang makina ng kanilang bangka malapit sa Languyan Island, Tawi-Tawi.
Bunsod nito, agad na inutos ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang agarang pag-aresto pagdating sa Zamboanga City mula sa Tawi-Tawi, na sinamahan ng mga pulis.
- Latest