Love triangle: Mister binaril ng dating nobya, todas!

MANILA, Philippines — Pinaniniwalaang dahil sa matinding panibugho, pinagbabaril at napatay ang isang mister ng dati nitong kasintahan sa Brgy. Market View, Lucena City nitong Martes ng gabi.
Sa report ng Police Regional Office (PRO-IV A ) kinilala ang biktima na si Carlos Postrado, may live-in partner, 20-anyos at nagtatrabaho bilang isang food stall employee.
Sa imbestigasyon, kasalukuyang nasa loob ng kanilang tahanan ang biktima at abala sa pagluluto ng hapunan nang biglang dumating ang dating nobya.
Walang sabi-sabing bigla na lamang binunot ng babae ang isang armas saka binaril ang biktima na nagtamo ng dalawang tama ng punglo sa katawan.
Duguang bumulagta ang biktima na agad binawian ng buhay sa insidente habang mabilis na tumakas ang suspect sakay ng motorsiklo na minamaneho ng kasama nito.
Sa imbestigasyon, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng biktima at dating kasintahan nang hindi matanggap ng huli na ipinagpalit siya sa ibang babae na ngayo’y ka-live in na ng nasabing mister.
Ayon sa pulisya, “love triangle” ang nakikita nilang motibo ng pamamaslang sa biktima nang naninibughong suspect.
Nagsasagawa na ngayon ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa suspect at kasabwat nito.
- Latest