Magdyowa ibinenta sanggol ng P30K pambili ng shabu

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang isang maglive in partner matapos nilang ibenta sa halagang P30,000 ang isang bagong silang na sanggol na bunso nilang anak upang ipambili ng shabu sa Cebu City.
Ang mag live in partner na itinago sa pangalang Jay at Karen ay nasakote sa follow-up operations ng pulisya kamakailan habang naglalaro ng tong-its sa kanilang lugar.
Sinabi ni P/Lt. Col. Maria Theresa Macatangay, Deputy City Director for Operations ng Cebu City Police, ang sanggol na 22 araw pa lamang naipapanganak ay ibinenta ng mag-live in partner sa halagang P 100,000 pero P 30,000 lamang ang napunta sa mga ito, P57,000 sa middlemen at ang nalalabi pa ay ipinambayad sa medical bills sa panganganak ng ginang.
Nabatid na ang gi-nang ay nanganak sa Cebu City Medical Center noong huling bahagi ng Pebrero at nanatili sa hospital hanggang nitong unang linggo ng Marso.
Gayunman, nadiskubre lamang ang insidente matapos namang maikuwento ng menor-de-edad na anak ng mag-live in partner sa kanilang kapitbahay na ibinenta ng kaniyang mga magulang ang kanilang beybi at nangako umanong ibibili siya ng cellphone pero hindi ito tinupad.
Dahil dito ay napilitan ang nasabing concerned citizen na ireport sa mga otoridad ang insidente na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspect.
Sa follow-up operations ay nasagip naman ang sanggol sa bumili ritong nurse sa Brgy. Guadalupe, Cebu City na ang mister ay isang military officer.
- Latest