2 ‘person of interest’ sa rape-slay ng Slovakian sa Boracay, tukoy na
MANILA, Philippines — Dalawang person of interest (POI) na ang natukoy ng Philippine National Police (PNP) na pinaghihinalaang sangkot sa rape-slay ng 23-anyos na turistang Slovakian na natagpuan ang bangkay sa isang abandonadong kapilya sa Boracay Island, Malay, Aklan, ayon sa opisyal ng pulisya.
Sa report ni P/ Lieutenant Colonel Mar Joseph Ravelo, hepe ng Malay Police, nakasalamuha ng biktimang si Michaela Mickova, ang dalawang POI na pawang residente sa Boracay Island ay nakita sa CCTV footage na kasama ni Mickova noong araw na huli itong makitang buhay ng kaniyang mga kaibigan.
Ang dalawa ayon kay Ravelo ay kasalukuyan nang isinasailalim sa masusing pagsisiyasat ng pulisya. Samantalang isang grupo naman ng mga South Koreans ang nakitang kasama ni Mickova noong umaga ng Marso 10 ang araw dakong alas-11 ng tanghali na huli itong nakita ng kaniyang mga kaibigan sa Brgy. Balabag habang hinahanap ng dayuhan ang kaniyang cellphone.
Samantalang, dalawang araw naman matapos na mawala ay nadiskubre ang walang saplot pang-ibabang bangkay ni Michova sa isang abandonadong kapilya sa lugar.
Bagaman may nakitang mga sugat sa katawan ng biktima, hinihintay pa ng mga awtoridad ang resulta ng eksaminasyon sa bangkay ni Michova para matukoy ang sanhi ng kaniyang pagkamatay at kung ginahasa ito ng mga salarin.
Nabatid pa na nadiskubre ang bangkay ng biktima ng isang lalaki na napagawi sa lugar dulot ng masangsang na amoy na nangagaling mula sa abandonadong kapilya na malayo sa mga establisyemento at mga bahay sa lugar, masukal ito at mabundok na hindi napapatrulyahan ng mga pulis.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon, ang biktima na isang palakaibigan ay mahilig matungo sa mga kapilya.
- Latest