Ama patay sa pagsagip sa nalulunod na anak

MANILA, Philippines — Nagbuwis ng buhay ang isang ama matapos na tangayin ng malakas na alon habang pilit na sinasagip nito ang nalulunod na anak na lalaki sa karagatan ng Brgy. Sived. Sto. Domingo, Ilocos Sur nitong Sabado ng hapon.
Sa report ng Ilocos Sur Police, kinilala ang nasawing biktima na si Jayson Pabo, 46-anyos, konduktor sa bus at residente ng Brgy. An-Annam, Bantay, Ilocos Sur.
Base sa imbestigasyon, ang pamilya ng biktima ay nagtungo sa beach resort sa lugar upang mag-picnic. Gayunman, habang nagkakasayahan ay nakitang nalulunod ang anak na lalaki ng biktima kaya’t dali-dali siyang nag-dive sa tubig upang sagipin ang anak pero sa kamalasan ay tinangay ang ama ng malakas na alon.
Nag-dive rin ang pamangking lalaki ni Pabo upang sagipin silang mag-ama pero dahil sa malakas na alon ay tanging ang nalulunod na bata ang nagawa nitong mailigtas.
Nagresponde ang mga barangay tanod at pagkaraan ng ilang oras ay naiahon ang katawan ng biktima pero idineklara nang dead-on-arrival sa pagamutan.
- Latest