2 bulagta, 3 sugatan sa magkakasunod na gun attack!
COTABATO CITY, Philippines — Dalawang lalaking Moro ang patay habang tatlo pa ang sugatan sa tatlong insidente ng pamamaril sa probinsya ng Cotabato sa loob lang ng dalawang araw.
Unang napatay ang motoristang si Bayan Pangulagoy sa isang ambush sa Barangay Punol, Pikit, Cotabato nitong hapon ng Sabado.
Sa pahayag nitong Lunes ng mga opisyal ng Cotabato Provincial Police Office (PPO) at ng Police Regional Office-12, magkaangkas sa motorsiklo sina Pangulagoy at pinsan na si Mohaimen Pangulagoy nang sila ay pagbabarilin gamit ang M16 rifle, ng isang lalaking nakaabang sa gilid ng kalye sa Barangay Punol.
Agad na namatay si Pangulagoy sa naturang pananambang na nagsanhi sa pagkasugat ng kanyang kaangkas na kamag-anak.
Bandang hatinggabi naman ng Sabado nang mapatay ng pitong lalaking armado ng M16 rifles ang magsasakang Moro na si Johari Santi sa Barangay Dalingaoen, Pikit.
Nilapitan ng mga armado ang bahay nila Santi sa Barangay Dalingaoen at pinagbabaril ng assault rifles na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay at pagkasugat ng kaniyang kabiyak na ginagamot na sa isang hospital.
Isang Muslim preacher naman na si Ustadz Hasim Suboh ang sugatan sa ambush sa hindi kalayuang bayan ng Midsayap nitong umaga ng Linggo.
Ayon kay Col. Gilbert Tuzon, director ng Cotabato PPO, sakay ng kanyang motorsiklo si Suboh nang paputukan ng ilang ulit ng .45 caliber pistol ng isang lalaking nakapuwesto sa gilid ng highway sa Barangay Salunayan ng naturang bayan.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan si Suboh na agad namang dinala sa isang hospital ng mga emergency responders at mga pulis na tumugon sa insidente.
- Latest