College student hinoldap, motor tinangay
CAVITE, Philippines — Doble kamalasan ang inabot ng isang 21-anyos na college student matapos siyang harangin at holdapin ng apat na lalaki at tinangay pa ang kanyang minamanehong motorsiklo sa Talisayan Road sa Brgy. Lapidario, Trece Martires City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat, alas-10 ng gabi habang minamaneho ni alyas “Reymart”, 21-anyos, 2nd-year college student, ng Brgy. San Agustin, Trece Martires City, ang kaniyang kulay abong Honda Click 125i at bumabagtas sa nasabing lugar nang harangin ng apat na suspek sakay ng dalawang motorsiklo at agad na tinutukan ng baril saka nagdeklara ng holdap.
Mabilis na kinuha ng mga suspek ang iPhone 11 at Infinix Hot 30i cellphone, wallet na naglalaman ng P300 at maging ang suot na itim na helmet ng biktima.Bago tumakas, inagaw ng mga suspek sa biktima ang kanyang motorsiklo.Agad na humingi ng tulong ang biktima sa Sector 2 Patroller ng Trece Martires City Police at sa tulong ng GPS, natunton nila ang kinaroroonan ng mga suspek at isa rito ang naaresto.
Narekober ang tinangay na motorsiklo ng biktima sa gilid ng kalsada ng Brgy. Santiago sa General Trias City.
- Latest