Dalagita, 1-linggong mag-isa sa bahay, nadiskubreng patay

MANILA, Philippines — Isang dalagita na may isang linggo na umanong mag-isa lang sa kanilang tahanan sa Angono, Rizal ang natagpuang patay kamakalawa.
Ang biktima ay kinilala lamang na si alyas ‘Jas,’ 16, Grade 11 student, at residente ng Kaluwalhatian Village sa Brgy. San Isidro, sa Angono.
Batay sa ulat ng Angono Municipal Police, alas-10:50 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanilang tahanan.
Bago nadiskubreng patay ay may isang linggo nang mag-isa lamang sa bahay ang biktima dahil ang kanyang ama ay nagtatrabaho bilang pintor sa Calamba City, Laguna, habang ang kanyang ina ay isa namang overseas Filipino worker sa Saudi Arabia.
Nagtaka naman umano ang ama ng biktima dahil ilang araw na niyang tinatawagan at tsina-chat ang anak ngunit hindi sumasagot.
Nabatid na ang huling chat na natanggap nila mula sa biktima ay dakong alas-12:37 pa ng hapon ng Enero 30, 2025.
Dahil dito, nag-aalala na ang ama ng biktima at nag-utos sa isang kaanak na alamin ang sitwasyon ng anak. Pagdating umano roon ng kaanak ay napansing sarado ang pinto ng bahay ngunit napunang may masangsang na amoy na nagmumula sa loob.
Nang walang magbukas ng pinto sa kabila ng kanilang mga pagkatok, ay nagdesisyon na silang pwersahan nang buksan ang pinto ng bahay. Dito na bumungad sa kanila ang bangkay ng biktima na nasa loob ng kanyang silid.
Sa pagsisiyasat, walang nakitang nawawalang gamit ng biktima at wala ring palatandaan na may naganap na “foul play” sa insidente.
- Latest