287 ektaryang kabundukan, pananim natupok sa Ilocos grassfire
MANILA, Philippines — Matapos ang mala-inferno na sinapit ng mga residente, matagumpay na naapula sa pamamagitan ng diwa ng bayanihan ang grassfire na tumupok sa kakahuyan, mga pananim at iba pa sa aabot sa 287 hektarya ng lupain sa Carasi, Ilocos Norte, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) kahapon.
Ayon kay OCD Administrator Usec. Ariel Nepomuceno, ang grassfire ay nagsimula sa Brgy. Barbaquezo alas-2:30 ng hapon nitong Enero 30, 2025.
Sinabi ni Nepomuceno, agad kumilos ang OCD Ilocos Region sa pamumuno ni Director Laurence Mina upang maapula ang grassfire katuwang ang Bureau of Fire Protection, Tactical Operations Group (TOG) 1 ng Philippine Air Force, AFP-Northern Luzon Command (AFP-Nolcom) at lokal na pulisya.
Ang TOG 1 at AFP -NOLCOM ay nagsagawa ng aerial reconnaissance at heli-bucket operations upang maapula ang grass fire .
Samantala, maging ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRO) sa Carasi ay tumulong sa pag-apula sa grass fire katuwang ang mga forest rangers upang hindi na lumawak pa ang pinsala nito.
Ang 1st at 22nd Philippine Marine Companies naman ang nagkaloob ng security assistance sa mga nagbabayanihan laban sa grassfire.
Inianunsyo ni Nepomuceno na nitong Enero 31 ay ganap ng idineklara ng BFP na kontrolado na ang grass fire ganap na alas-2 ng hapon.
“The fire impacted 287 hectares of land, with 50 hectares being part of the National Greening Program overseen by the Department of Environment and Natural Resources (DENR),” ayon kay Nepomuceno.
- Latest