Lalaki nagtangkang tumalon sa underpass, nasagip ng SWAT
LUCENA CITY, Philippines — Nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang isang 28-anyos na lalaki na nagtangkang magpakamatay sa Diversion Underpass sa Barangay Gulang-gulang ng lungsod na ito dahil sa mabilis na pagresponde ng mga miyembro ng PNP-Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Lucena Component City Police Station kamakalawa ng hapon.
Ayon kay PLt. Col. Dennis De Guzman, nakatanggap sila ng impormasyon na may isang lalaki na nakaupo sa isang beam o biga ng underpass dakong alas-5:15 ng hapon at akmang tatalon.
Agad na inatasan ni De Guzman ang SWAT team na magtungo sa nasabing lugar at makalipas ang ilang minutong negosasyon ay matagumpay nilang nakumbinse si alyas “Jerold” na sumama sa mga awtoridad pabalik sa kanyang bahay sa Barangay Cotta, Lucena City.
Inaalam pa ang dahilan ni alyas Jerold kung bakit nagtangka siyang magpatiwakal.
- Latest