Sunog sa 13 bodega sa Laguna nagdulot ng oil spill, kontrolado na
MANILA, Philippines — Dahil sa pagkasunog ng 13 bodega na nagdulot ng oil spill sa San Isidro River, agad umaksyon ang lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensya kahapon sa Laguna.
Ayon kay Nico Pavino, hepe ng San Pedro City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), kontrolado na ang oil spill sa San Pedro City , Laguna at hindi na ito makakaabot pa sa Laguna de Bay, isa sa pinakamalaking sources ng isda sa bansa kasunod Ng malaking sunog na tumupok sa tatlong warehouse sa lungsod noong Biyernes.
Sinabi ni Pavino na ang tumagas na langis na pinaniniwalaang motor oil ay mula sa isa sa mga nasunog na warehouse sa Brgy. San Antonio kung saan dumaloy ito sa San Isidro River.
Una rito, nagsagawa ng inspeksiyon ng San Pedro Bantay Lawa kung saan nasaksihan ang nangingintab at makapal na langis sa San Isidro River na sumasakop sa ilang barangay. Samantalang idinadaing naman ng mga residente na malapit sa ilog ang masangsang na amoy na nagdudulot ng pagkahilo at pananakit ng kanilang tiyan.
Bunga nito ay mabilis namang nagresponde ang mga tauhan ng Philipine Coast Guard (PCG) at ng lokal na pamahalaan na pinagtulungang tanggalin ang tumagas na langis upang hindi ito makaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda sa lugar.
Dagdag ni Pavino, nasa 70 drums na ng fuel ang nakolekta ng PCG at na-contain na ang oil spill sa San Isidro River.
Nabatid na 50 drums ng tumagas na langis ay nakolekta ng PCG sa Kengian Complex warehouse habang 22 drums naman ng langis ang nakuha sa San Isidro River.
- Latest