Ama naburyong, 1-anyos anak hinostage!

Matapos ang matiyagang negosasyon ng pulisya, mapayapang ipinasa ng isang mister ang 1-anyos na anak at sumuko ma- karaan nitong i-hostage nang “maburyong” dahil sa problema sa pamilya sa C-6 Road, Taytay, Rizal nitong Sabado ng gabi.

Dahil sa reklamong ‘rape’ ng stepdaughter...

TAYTAY, Rizal, Philippines —  Matapos ang tatlong oras na negosasyon, matagumpay na nailigtas ng mga awtoridad ang isang 1-anyos na batang babae nang i-hostage ng sariling ama sa gitna ng kalsada makaraang magwala nang malamang ireklamo umano siya ng kanyang stepdaughter dahil sa pangmomolestya, sa Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal nitong Sabado ng gabi.

Ipaghaharap na ng mga kasong paglabag sa Article 257 (Serious Illegal detention) sa pangho-hostage, Art. 155 (Alarms and Scandal), at Batas Pambansa 6 (Illegal Possession of Deadly Weapon) ang suspek na si alyas “Marvin”, 26, construction company driver, ng Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal.

Nabatid na nagsimula ang pangho-hostage na sinaksihan at dinumog ng maraming tao dakong alas-8:30 ng gabi sa C6 Road, Brgy. Sta. Ana. Naireport lamang ng alas-10:15 ng gabi sa Taytay Municipal Police Station ang “hostage in progress” matapos mapanood ito sa live streaming sa Facebook kung saan karga-karga pa ng suspek ang lupaypay nang anak na kanyang tinututukan ng patalim na “Karambit”.

Mabilis na rumesponde ang mga pulis na nakatalaga sa Border Control Point at duma­ting din sa lugar si Rizal Provincial Police Office director, P/Lt. Colonel Felipe Marragun na siyang nakipagnegosasyon sa hostage taker.

Matapos ang mahusay na pakikipag-usap ni Marragun, napasuko nito ang suspek sa presensya ni Mayor Allan Martine De Leon. Ligtas na ibinigay ang bata sa kanyang ina at isinuko rin ng suspek ang sarili pati ang kutsilyong hawak nito sa awtoridad.

Sa isang ulat, nagalit ang suspek nang mabatid na inireklamo umano siya ng anak-anakang babae dahil sa umano’y panggagahasa kung kaya hinostage nito ang isa sa kanyang kambal na anak.

Show comments