Kotse ng dinukot na lady Chinese inabandona
CAVITE, Philippines — Natagpuan na ang sasakyan ng isang babaeng Chinese national na tinangay matapos ang pagdukot sa isang Lady Trader na Chinese National ng 9 na kalalakihan sa loob ng kanyang bahay sa Gen Trias City Cavite noong Miyerkules ng madaling araw.
Ang kotse na isang kulay puti na Mercedez Benz Wagon na may plakang NFT 3998 na pagmamay-ari ng biktima na isang Chinese national ay natagpuan bandang alas-3:00 ng hapon nitong Enero 22 sa harapan ng Bulihan Public Cemetary sa Silang, Cavite.
Sa salaysay ng nakakita sa abandonadong sasakyan na si alyas Joel, caretaker/supervisor ng Bulihan Public Cemetary, napansin nito ang nasabing sasakyan na nakaparada sa lugar. Inakala niyang ipinarada lamang ito ng ilang residente sa lugar subalit ilang araw na ang lumipas ay wala pa umanong kumukuha kung kaya ini-report na niya sa pulisya.
Ayon pa rito, dalawang lalaki umano ang nakitang nagparada ng nasabing sasakyan.
Matatandaan na dinukot ang 33-anyos na Chinese national sa loob ng kanyang bahay sa Brgy Navarro, Gen. Trias City, Cavite bandang alas-3:42 ng madaling araw noong Miyerkules ng 9 na lalaki na sakay ng dalawang gate away vehicles, isang kulay pula na Mitsubishi Adventure na may plakang NCY 4936 at kulay silver na Mitsubishi Garage na may plakang NAF 51112.
Puwersahang pumasok ang mga suspek sa kuwarto ng biktima at isinakay sa kanilang sasakyan.Kinuha rin nila ang ibang kagamitan at cellphone ng biktima at nang tumakas ay tangay rin ang nasabing kotse.
- Latest